SA mga nakalipas na taon, higit pa sa doble sa itinakda ng Energy Regulatory Commission ang kinokolekta ng Manila Electric Company (Meralco) mula sa mga konsyumer, ayon sa grupong National Association Of Electricity Consumer For Reform (Nasecore).
Sa pagtataya ng Nasecore, papalo sa mahigit P160-bilyon ang sobra sa ibinayad ng mga konsyumer sa Meralco sa nakalipas na dalawang taon.
Batay sa rekord ng ERC, P1.35 per kilowatt hour lang ang dapat singilin – kasama na ang metering at supply charges.
Gayunpaman, lumalabas na nagpatong pa ang distribution company ng P1.57, na ayon sa Nasecore ay malinaw na pagsuway ng Meralco sa kautusan ng ERC noong 2022.
Hamon ng Nasecore sa mga konsyumer, rebisahin ang buwanang statement of account kung saan anila makikita ang P2.90 per kilowatt hour para sa distribution, 33 sentimos para sa metering at 49 sentimos para sa supply charge.
“Imu-multiply mo lang yan sa energy sales niya sa isang taon na kinuha natin sa website nila. Sa isang taon pa lamang, lumabas na P82 billion. Kung dinoble natin, dalawang taon, P164.5 billion na ito,” wika ni Pete Ilagan na tumatayong lider ng Nasecore.
Para kay Ilagan, sukdulan ang dusa ng mga mamamayan sa Metro Manila at mga karatig lalawigan dahil sa aniya’y labis na pagkagahaman ng naturang kumpanya.
Panawagan ng Nasecore sa Kongreso, ibasura ang panibagong prangkisa ng Meralco.
“Malaki ang dagok nito, malaki ang epekto nito sa kanilang prangkisa. Dapat ka pa bang pagkatiwalaan ng mga tao?,” ani Ilagan.
Sa isang kalatas, nagpahayag ang Meralco ng kahandaan i-refund ang P19 bilyong labis na siningil per sa kondisyong papayagan ang kumpanya itaas sa P1.66 per kilowatt hour ang distribution charge na sinisingil sa mga konsyumer.
Bago pa man nabisto ang umano’y overcharging, una nang naghain ng petisyon ang Meralco para magpataw ng dagdag-singil sa mga negosyo at kabahayan sa Metro Manila at mga karatig lalawigan na sakop ng prangkisa.
