MATAPOS kumpunihin ang napinsalang bahagi ng riles dahil sa bagyong Kristine, balik-operasyon na ulit ang tren na biyaheng Naga – Legazpi pagsapit ng Pebrero 26.
Sa isang kalatas, tiniyak ng Philippine National Railways (PNR) ang kahandaan maghatid-sundo sa mga pasaherong mula at patungo sa mga nabanggit na lungsod sa Bicol region.
Sa impormasyong ibinahagi ng nasabing ahensya sa Facebook, eksaktong alas 4:49 ng umaga ang pag-alis ng tren mula sa Legazpi City. Dakong alas 5:30 naman ng hapon ang biyahe pabalik mula Naga patungo sa Legazpi City.
Ayon sa PNR, maglalaro ang pamasahe mula P15 hanggang P155 (depende sa layo), na pwede pa anilang mabawasan sa bisa ng diskwento para sa hanay ng mga senior citizens, estudyante at persons with disability (PWD)
Kabilang sa mga babagtasin ng byaheng Naga-Legazpi ang PNR stations sa Pili, Baao, Iriga, Lourdes, Bato, Matacon, Polangui, Oas, Ligao, Traveria, Daraga, Bagtang, Washington Drive, at Capantawan.
Disyembre 2023 nang muling buksan ang byaheng Naga-Legazpi matapos ang anim na taong tigil-operasyon dahil sa kakulangan ng mga bagon na tutugon sa dumadaming bilang ng mga pasahero.
Nobyembre ng nakalipas na taon nang muling ipatigil ang byahe ng tren bunsod ng pinsalang iniwan ng bagyong Kristine.
