
ARESTADO sa magkasunod na operasyon ng Manila Police District (MPD) sa Tondo, Maynila ang tatlong indibidwal, kabilang ang dalawang menor de edad na kapwa tirador ng sasakyan ng mga plaka.
Kinilala ang dalawa sa tatlong suspek sa alyas BCD at Popoy na kapwa menor de edad. Lumalabas sa imbestigasyon na sina BCD at Popoy ang nagnakaw ng plaka ng mga sasakyang nakaparada sa isang parking lot na sakop ng Barangay 217 ng naturang lungsod.
Ayon kay Tayuman Police Community Precinct commander Lt. Merbarjin Alihuddin dakong alas 4:30 ng madaling araw nang baklasin umano ng dalawang menor de edad na suspek ang plaka ng nasa 13 sasakyan sa nabanggit na lugar.
Sa direktiba ni Alihuddin, agad na sinimulan ni PCMS Gener De Guzman ang pagsisiyasat sa mga kuha ng CCTV. Matapos matukoy, agad na dinakip sina BCD at Popoy.
Sa follow-up operation sa isang junkshop sa Gagalangin, dinakma rin ang isang alyas Arlou na umano’y bumili sa lahat ng mga nakaw na plaka ng sasakyan.
Kasalukuyang nasa custodial investigation ang mga suspek kabilang ang dalawang menor de edad na inaasahang ibibigay sa kustodiya ng Manila Social Welfare and Development Office (MSWDO) pagkatapos ang pagsasampa ng kaso sa piskalya. (ITOH SON)