PALAISIPAN sa lokal na pulisya ang motibo at pagkakakilanlan ng isang balinkinitang lalaki na ibinalandra sa isang eskinita sa Barangay Alicia sa sa Quezon City.
Batay sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (QCPD), inilarawan ang biktimang nasa edad 35-45, may taas na 5’3”, at nakasuot ng itim na maong.
Ayon kay Police Master Sergeant Rainier Robert Abundo ng CIDU-QCPD, bandang 5:30 ng hapon noong Lunes (Hunyo 2), nang matagpuan ang nasabing bangkay sa bakanteng lote sa panulukan ng Fort Santiago at Tacloban Street.
Sa imbestigasyon, lumalabas na apat na menor de edad na nakakita sa duguang biktima sa bakanteng lote ang nagtungo sa barangay para ipagbigay-alam ang natagpuang bangkay ng lalaki. Agad naman inireport ng barangay sa pulisya ang naturang insidente.
Pagdating ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa pangunguna ni Capt. Darrel Rey Ebol, narekober sa pinangyarihan ng krimen ang isang 11-pulgadang kutsilyo.
Sa pagsusuri, nagtamo ng mga sugat sa kaliwang pulso, leeg at saksak sa dibdib ang biktima.
Bago ang insidente, nakita ang biktima na mag-isang naglalakad sa harap ng bakanteng lote na tila balisa at hindi mapakali. (LILY REYES)
