ARESTADO ang isang Tsinoy matapos mag-imbento ng kwento na nilooban umano ng P68 milyon halaga ng cash, alahas at baril ng anim na miyembro ng Akyat-Bahay Gang sa kanilang tindahan sa Quezon City.
Kinilala ni QCPD Director P/Brig. Gen. Redrico Maranan ang nasakoteng suspect na si Bernard Chua, ng No.130, Road 20, Brgy. Bahay Toro, Project 8, Quezon City.
Sa ulat ni P/Major Don Don Llapitan, hepe ng QCPD-Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), dakong alas-4 ng madaling araw nang i-report ni Chua sa Project 6 Police Station (PS)-15 ang umano’y nangyaring panloloob ng mga armadong kalalakihan sa kaniyang BC Cars Trading and Auto Services.
Ayon sa opisyal sa salaysay ng nasabing Tsinoy, anim na mga armadong suspect ang puwersahang pumasok sa kaniyang opisina at nang makapasok sa loob ay kinuha ang P22.5 milyong cash; limang mamahaling relo na nagkakahalaga ng P12.8 milyon; isang diyamanteng alahas na na may halagang P10 milyon, isang unit ng Glock 19 9mm pistol na P50,000.00 ang halaga; isang Glock 17 9mm pistol na P50,000 ang halaga, isang unit ng Rock Island revolver na nasa P20,000; isang Bushmaster rifle cal 5.56 na P125,000 ang halaga; isang Glock 43 9mm pistol na P50,000 ang presyo; isang Sig Saucer P238 cal .389 pistol na nasa P48,000. Ang lahat ng nawala umano sa kanya ay umaabot sa kabuuang halagang P68,143,000.
Matapos umano ito, ayon pa sa salaysay ni Chua ay mabilis na tumakas ang Akyat-Bahay Gang patungo sa hindi pa malamang destinasyon.
Ang mga suspect ay sumakay umano ng isang Silver Lexus SUV, kulay puting Toyota Innova, kulay itim na Toyota Innova na may plate number 16., kulay berdeng Yamaha Aerox at kulay itim na Honda Click motorcycle.
Bandang alas-5:30 ng umaga ay sinimulan na ng CIDU ang imbestigasyon sa kaso at matapos ang ilang oras ay nadiskubreng walang panloloob na nangyari sa establisimyento ng nasabing negosyante.
Pinatunayan din sa nakalap na CCTV footage na walang nairekord na insidente ng nakawan sa nasabing lugar.
Sa interogasyon at mahigpit na pagtatanong, napaamin na rin ng mga imbestigador ang mga empleyado ng nasabing Fil-Chinese na sabihin nila sa pulisya na pinasok sila ng mga armadong Akyat Bahay, hinarass saka pinagnakawan.
Bunga nito, inaresto ng CIDU operatives ang nasabing Tsinoy bandang alas-2:45 ng hapon dahil sa gawa-gawang kuwento. Siya ay sinampahan ng kasong paglabag sa Article 183 ng Revised Penal Code o “perjury” sa Quezon City Prosecutor’s Office.