TULOY na tuloy na ang pagdaraos ng plebisito sa lungsod ng Parañaque pagsapit ng Sabado, Hulyo 25 ng kasalukuyang taon, ayon sa Commission on Elections (Comelec).
Ito ang kinumpirma ni Comelec chairman George Garcia matapos dumalo sa “final coordinating conference” para sa plebesitong naglalayong hatiin sa lima ang Barangay Tambo.
Saklaw ng naturang plebisitong lalahukan ng hindi bababa sa 80,000 botante ang Aseana reclaimed area na kasalukuyang sakop lang ng Barangay Tambo.
Paglilinaw ni Garcia, hindi tulad ng special election na may alokasyon sa ilalim ng General Appropriations Act, ang lokal na pamahalaan aniya ang gagastos sa naturang proseso.
“Inaasahan natin syempre na hindi lahat sang-ayon lalo na yung mawawalan… o yung feeling nila liliit ang jurisdiction nila,” anang Comelec chairman.
Higit na kilala ang Barangay Tambo sa laki ng pumapasok na kita mula sa mga negosyo sa Aseana.
