HINDI kinagat ng mga kongresista sa Kamara ang mga palusot ng dalawang negosyanteng isinalang sa pagpapatuloy ng imbestigasyon kaugnay ng malawakang agri-smuggling sa bansa.
Sampung araw mananatili sa House Custodial Facility sina George Ong at Michael King Ang na kapwa corporate executives ng Super 5 Cold Storage.
Ayon sa kalatas ng House Committee on Agriculture and Food, ipiniit sina Ong at Ang dahil sa pagtanggi makipag tulungan sa pagdinig na nakatuon sa manipulasyon ng mga ganid na negosyante sa presyo ng sibuyas sa merkado.
Partikular na tinukoy ng komite ang kabiguan ng mga naturang negosyante magsumite ng mga dokumentong patunay na may nagdidikta ng presyo ng mga produktong agrikultura sa mga pamilihang bayan.
Bukod kina Ong at Ang, inisyuhan na rin ng show cause order ang iba pang resource persons na hindi nakadalo sa katwiran sila’y may mga karamdaman.
Paniwala ni Rep. Stella Quimbo, may kakayahang kontrolin ng mga may-ari ng cold storage facilities ang supply ng lokal at imported na sibuyas.
“Kung ang kontroladong local production at importation ay nakalagak sa kakaunting storage facilities, madali nang ma-execute ang pag-iimbak, at unti-unting pag labas sa merkado, at ang pagkakaroon ng artipisyal na pagtaas ng presyo ng sibuyas. This is a clear case of hoarding and price manipulation.”