
TIMBOG sa mga operatibang nakatalaga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isang banyagang sumubok magpasok ng santambak ng drogang ikinubli sa bitbit na sabon.
Sa ulat ng pamunuan ng NAIA, arestado ang hindi pinangalanang Turkish national na nakunan di umano ng halos apat na kilong cocaine.
Batay sa paunang imbestigasyon, nabisto ang droga matapos magduda ang mga kawani ng paliparan sa imaheng nakita sa monitor na kalakip ng makabagong x-ray scanner.
Nang siyasatin, tumambad ang mga nasa P28-milyong halaga ng cocaine na isinilid sa mga sabon sa bitbit na bagahe ng banyaga. Bistado rin ang nasa isa’t kalahating litro ng liquid cocaine.
Sa record ng NAIA, dumating sa bansa ang suspek lulan ng Emirates Airlines Flight EK 332 mula sa Brazil.
Kasalukuyang nakapiit ang suspek na nahaharap sa patong-patong na kasong kriminal kabilang ang paglabas sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act).
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa hangaring matukoy at matunton ang iba pang miyembro ng sindikato sa likod ng modus puslit droga sa NAIA.