
HINDI na inabutan ng mga operatiba ng Criminal Investigation Group (CIDG) sa isang condominium sa lungsod ng Makati ang Taiwanese na pinaniniwalaang lider ng isang malaking sindikato.
Gayunpaman, kumpiskado ang nasa 84 na high-powered firearms, ayon kay Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos.
Sa pulong-balitaan, inatasan ni Abalos ang CIDG na tugisin ang isang nagngangalang Zhang Xiaodong, alyas Lu Ming Chung na pakay ng mandamiento de arresto laban sa kinikilalang lider ng isang malaking sindikato sa Taiwan.
Base sa mga intelligence reports, ang grupo ni Xiaodong ay sangkot din sa ibat ibang iligal na aktibidad kabilang ang ilegal na kalakalan ng droga, telecom fraud at iba pa.
Sa imbentaryo ng DILG, lumalabas na anim sa mga nasamsam na armas ay submachine gun, habang 13 naman ang riple, at 65 naman at pasok sa kategorya ng ‘short firearms.’
Ang naturang pagsalakay ng CIDG sa hindi tinukoy ng condominium sa Makati City ay ikinasa kasunod ng pinagsanib na operasyon ng CIDG, Makati City police at Bureau of Immigration (BI) kasama ang mga kinatawan mula sa Taipei Economic and Cultural Office (TECO).
Dakip sa naturang operasyon ang mga puganteng Taiwanese na sina Wu Jheng alyas Chang Long na di umano’y kanang kamay ni Chen Chien Ning na napag-alamang pumuga sa piitan sa Taiwan kaugnay ng hatol para sa patong-patong na kasong kidnapping.
Swak din si Yang Zong Bao na di umano’y chemist ng sindikatong gumagawa at nagkakalat ng droga sa bansa at isa pang nakilala sa pangalang Chen Chun Yu na punong abala sa pagbebenta ng armas.
Ayon naman kay CIDG Director Brig. General Romeo Caramat, pqtuloyn ang isinasagawang imbestigasyon hinggil sa mga nakumpiskang baril.
“Yung mga iba (baril) meron na pangalan kung kanino nakaregister. Pero as of now I cannot divulge the name of those persons subject to an investigation. Mag investigate paano napunta yung mga baril. Identified naman yung subject natin. Based on PNP records he is not a registered owner of firearms and besides undocumented itong suspect”, pahayag ni Caramat.
“We are still in the process kung ito ay government-processed but as you can see these are all original. Ilang firearm machine gun na cost half million or PHP300,000 each.”