SA gitna ng kabi-kabilang imbestigasyon hinggil sa malawakang smuggling sa bansa, timbog sa bayan ng Mabili sa lalawigan ng Batangas ang isang sasakyang-dagat sa tangkang pagpupuslit ng nasa 700,000 litro ng krudo.
Sa kalatas ng Bureau of Customs – Port of Batangas (BOC-Batangas), araw ng Martes nang makatanggap ng timbre mula sa isang impormante ang naturang distrito hinggil sa di umano’y paglalayag ng barkong MT Harmony Star patungo sa karagatang sakop Mabini.
Sa bisa ng isang direktiba, agad na idinispatsa ni BOC-Batangas District Collector Atty. Maria Rhea Gregorio ang mga operatiba mula sa Customs Police Division para kumpirmahin ang impormasyon.
Pagdating sa Barangay Mainaga, huli sa akto ang target na barko habang nagsasalin ng kargong krudo sa dalawang iba pang sasakyang dagat. Nang hanapan ng mga kaukulang permiso, wala di umano naipakitang anumang dokumentong patunay na legal ang kargang krudo.
Dito na sinuri ng operatiba ang lulang petrolyo. Ang resulta – negatibo sa fuel marker na batayan para malaman kung bayad ang buwis sa gobyerno.
Agad na kinumpiska ang barko at ang lulang krudo sa bisa ng Warrant of Seizure and Detention na nilagdaan ni Gregorio.
Nahaharap naman sa kasong paglabag ng Republic Act 10863 (Customs Modernization and Tariff Act) ang MT Harmony Star, kapitan at mga tripulanteng inabutan sa barko at ang kumpanyang may-ari ng kumpiskadong krudo. (KOI HIPOLITO LAURA)