NI ESTONG REYES
PARA kay Senador Sherwin Gatchalian, pahirapan ang pagsipa ng negosyo sa bansa dahil sa aniya’y nakabaon na kultura ng red tape sa gobyerno, sa kabila pa ng mga batas na sadyang binalangkas para maging simple ang proseso sa pagpapaunlad ng micro, small and medium enterprises (MSME).
Partikular na tinukoy ni Gatchalian ang malabnaw na implementasyon ng Republic Act 11032, na higit na kilala bilang Ease of Doing Business at Efficient Government Service Delivery Act.
Mungkahi ng senador, bumalangkas ng bagong mekanismong magiging kaagapay ng mga tinawag niyang “startups” para mapabilis ang pagsisimula ng maliit na negosyo.
“Hinihiling natin sa Anti-Red Tape Authority (ARTA) na magsumite ng panukala kung paano natin matutulungan ang MSME at startups sa paglulunsad ng kanilang negosyo,” wika ni Gatchalian sa deliberasyon ng Senado sa panukalang 2025 budget ng ARTA.
Pag-amin ni Gatchalian, kulelat pa rin ang Pilipinas sa aspeto ng “ease of doing business.”
Katunayan aniya, patuloy na nananawagan sa pamahalaan ang iba’t ibang pangkat ng local businesses hinggil sa haba ng proseso at mabigat na gastusin sa pagnenegosyo.
“Ang mga sentimyentong ito ay nakakaapekto sa reputasyon ng bansa kaya kailangan nating tulungan ang mga MSMEs sa bansa sa pamamagitan ng ARTA o sa pakikipagtulungan sa ibang mga departamento,” aniya.
Hirit ng senador, isang “platform” kung saan maaaring magtatag ng kani-kanilang negosyo ang mga startups — “Kailangan nating bigyan ng kapangyarihan ang mga MSME at mga startup upang makatulong sila sa pagsulong ng paglago ng ekonomiya,” dagdag ni Gatchalian.
Ayon sa ARTA, nagsusulong na ang ahensya isang memorandum of agreement sa Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Information, Communications and Technology (DICT) upang padaliin ang proseso at bawasan ang mga regulatory burdens para sa MSMEs at magtatag ng isang digital one-stop shop platform para sa mga business permits and licenses.
Sa datos ni Garchalian, meron lang 112 lokal na pamahalaan ang ganap na nagpatupad na ng Electronic Business One Stop-Shop (eBOSS) system.
Sa ilalim ng RA 11032, lahat ng LGU ay dapat magtatag ng eBOSS pagdating ng Hunyo 2021. Ang sistema ng eBOSS ay naglalayong pagsama-samahin ang mga hakbang o proseso sa iisang online platform, na magpapabilis sa pagproseso at magbabawas sa mga paulit-ulit na requirements.
