
SA halip na sampolan ang mga negosyanteng swapang, dadaanin sa pakiusap ng Department of Agriculture (DA) sa pamunuan ng mga pampubliko at pribadong pamahalaan ang daing ng mga konsyumer na umaaray sa patuloy na pagtaas ng presyo ng bigas sa kabila ng tapyas-taripang umiiral sa imported rice.
“We will get to the bottom of this. Millions of Filipino consumers must not suffer from the greed of the few,” babala ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.
Una nang nanindigan ang mga economic managers na nagsulong ng Executive Order No. 62 (tariff cut sa imported rice) na mababawasan ng P6-7 ang presyo ng bigas kada kilo.
Ayon sa kagawaran, lumalabas na retailers ang dahilan sa pagtaas sa presyo ng bigas sa merkado batay sa paliwanag ng mga rice importers na una nang pinulong ng mga opisyal ng pamahalaan.
Ayon kay Tiu Laurel, kailangang konsultahin ang mga market leader para malaman ang dahilan kung bakit nananatiling mahal pa rin ang bigas. Kung totoo ang sinasabi ng mga importers na binaba na nila ang kanilang presyo, dapat ay bumaba na rin ang presyo sa retail.
“If what importers claim are correct, then retail prices of rice should be around the P45 level per kilo,” ani Tiu Laurel.