
WALANG dapat ikabahala ang dalawang pinakamalaking bangko ng pamahalaan sa ilalagak na P75-bilyong pondo sa Maharlika Investment Fund.
Ang dahilan – sagot ni Juan dela Cruz ang pag-aabono sa sandaling malugi ang papasuking negosyo ng gobyerno.
Pag-amin National Treasurer Rosalia de Leon sa pagdinig ng Senate Committee on Banks and Financial Institutions hinggil sa pagtataguyod ng Maharlika Investment Corporation, mga taxpayer pa rin ang babalikat para maibalik sa LandBank at Development Bank of the Philippines ang salaping ipupuhunan ng pamahalaan sa mga negosyo sa ibang bansa.
“Ultimately, ang mga taxpayers,” direktang sagot ni de Leon nang tanungin ni Senador Sherwin Gatchalian kung sino ang kakargo sa mawawalang pondo kapag natalo ang gobyerno.
Gayunpaman, may mungkahi si de Leon – bumuo ng Risk Management Unit at Board of Directors for Investment Strategy na susuri sa integridad ng mga negosyong susugalan ng pamahalaan gamit ang Maharlika fund.
Bagamat hindi kumontra ang DBP sa panukalang gamitin ang bahagi ng kanilang pondo bilang paunang kapital ng Maharlika, hindi naman anila pwedeng kaltasin sa “regulatory capital” ng mga government financial institutions – alinsunod sa reglamento ng Bangko Sentral ng Pilipinas.
Hirit ni DBP vice president Rodrigo Jesus Mantaring, huwag idamay ang mga government financial institutions sa peligrong kalakip ng negosyong papasukin ng gobyerno sa ilalim ng Maharlika Investment Fund para hindi maapektuhan ang naturang bangko.
Dagdag pa ni Mantaring, mandato ng DBP na ipatupad ang mga probisyon sa pagpapautang ng bangko.