

NANATILING mahigpit ang kontrol ng bansang Tsina sa West Philippine Sea sa kabila ng desisyong inilabas ng isang international court na nangangasiwa sa mga usapin sa karagatan.
Bagamat hindi pumabor sa Tsina ang desisyon ng nasabing hukuman, wala din naman bahagi ng nasabing pasyang naggagawad ng pagmamay-ari nito ang Pilipinas na siyang naghain ng kaso sa naturang international court – dahilan para patuloy at mas pagtibayin pa ng Tsina ang kanilang kontrol sa karagatang sinasabing mayaman hindi lang sa isda at iba pang yamang-dagat kundi maging sa tinaguriang “black gold”, o higit na kilala bilang petrolyo o langis sa wikang Filipino.
Makailang ulit nang nagsagawa ng mga pag-aaral sa West Philippine Sea at batay sa mga nasabing pagsasaliksik, tunay ngang mayaman sa deposito ng langis ang pinag-aagawang karagatan.
Gayunpaman, nananatiling “classified” ang iba pang detalye ng mga naturang oil exploration projects. Ang black gold, na higit na kilala bilang langis ay isa sa mga pamantayan sa pagkilala ng mga mayayamang bansa. Ito din ay pinaniniwalaang siyang nagdidikta ng pandaigdigang ekonomiya. Katunayan, anumang paggalaw sa presyo ng langis sa pandaigdigang merkado ay hudyat ng paggalaw ng iba pang bilihin sa pandaigdigang merkado.
WPS ngayon, Liguasan Marsh bukas
Matapos pagtibayin ang kanilang kontrol sa West Philippine Sea, target naman ng bansang Tsina ang isa pang napakayamang bahagi ng ating bansa – ang Liguasan Marsh sa Mindanao.
Ang Liguasan Marsh ay isang malawak na lupaing karaniwang putikan sampung buwan isang taon. Ito ay may lawak na 220,000 ektaryang bahagyang sakop ng mga lalawigan ng South Cotabato, Maguindanao at North Cotabato.
Tulad ng West Philippine Sea, ang maputik na Liguasan Marsh ay mayaman din sa yamang mula sa kalikasan — mapa tubig man, kalupaan o higit pa sa ibabaw ng lupa, sapat na dahilan upang mapukaw ang interes ng Tsina para isunod ang naturang teritoryo sa kanilang susunod na “papasukin”.
$1.0 Trillion nakatagong yaman
Tulad ng WPS, may mga isinagawang pagsasaliksik na ang mga oil exploration experts sa naturang rehiyong kilalang sentro ng hidwaan sa pagitan ng gobyerno kontra Moro Islamic Liberation Front, maging ng mga political clans na hangad din ang makuha ang yaman ng Liguasan.
Batay sa mga pagsasaliksik (na hindi natapos dahil na din sa gulong dulot ng mga madugong hidwaan), mayaman ang Liguasan Marsh sa natural gas. Sa pagtataya ng mga nasabing pag-aaral, hindi bababa sa $ 1.0 Trillion ang “untapped mineral resources” na nasa Liguasan Marsh. Ang kanilang pagtataya ay batay lamang sa mga lugar kung saan isinagawa ang mga pagsasaliksik na itinigil sanhi na din ng mga kaguluhan sa naturang rehiyon.
Sa inilabas na dokumento ng Wikileaks, sinasabi nitong maging ang Estados Unidos ay naglalaway sa Liguasan Marsh at bilang paunang hakbang ay patuloy itong gumagamit ng mga taong gobyerno upang sila ay magkaroon ng pagkakataong makausap ang mga kinikilalang pamunuan ng makapangyarihang grupo sa Mindanao.
Bukod sa Estados Unidos, interesado din ang bansang Tsina dito, maging ang mga malalaking political clans sa Mindanao at syempre pa, ang MILF na sinasabing may pinakamatibay na puwersa at kontrol sa nasabing rehiyon.
Hanggang sa mga sandaling ito, patuloy na nadidiligan ng dugo ang Liguasan Marshland dulot ng hidwaan ng mga malalaking angkang nagnanais pagharian ang nasabing rehiyong hitik sa yaman batay na din sa mga nakalap na dokumentong partikular na tumutukoy sa Liguasan Marsh (na bahagi ng tinatawag na Cotabato Basin) bilang sa isa sa may pinakamayamang deposito ng mga mineral resources sa bansa.
70% ng deposito ng mineral resources
Mismong ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang naglabas ng nasabing dokumentong tumutukoy sa tatlong lugar sa Mindanao na may pinakamalaking deposito ng mineral resources (natural gas at oil deposits) sa bansa – ang Cotabato Basin, ang Davao-Agusan Basin; at ang hanay ng maliliit na islang tumatawid ng Tawi-Tawi at Sulu.
Gayunpaman, sa tatlong tinukoy na lugar, ang Cotabato Basin, partikular ang Liguasan Marsh ay pinaniniwalaang tahanan ng 70% ng mineral deposit ng buong bansa.
Sa kabila sa nasabing pagtataya, hindi naman ito magawang makuha dahil sa madugong hidwaan at batas na mahigpit na nagbibigay proteksyon sa naturang lugar na una nang ginawaran ng kongreso ng lahat ng karapatan at kalasag na nauukol sa mga idineklarang santuwaryo. Ang Liguasan Marsh ay isa sa mga lugar na idineklara ng kongreso bilang bird sanctuary.
Mga naghahari sa Liguasan Marsh
Bagamat nananatiling malakas ang pwersa at impluwensiya ng MILF sa Liguasan Marsh na tahanan ng hindi bababa sa 300,000 Muslim, dito din madalas sinasabing kanlungan ng mga maiinit na personalidad mula sa hanay ng terorista.
Nariyan din ang nag-uumpugang political clans na hangad ariin ang malaking bahagi ng Liguasan.
Kabilang sa mga naglalaban-laban para sa pagmamay-ari ng Liguasan ay ang mga pamilya nina dating Maguindanao Gov. Dong Mangudadatu, dating Maguindanao Gov. Zacarias Candao, ang pamilyang Ampatuan na sangkot sa Maguindanao Massacre kung saan pinaslang ang 51 katao kabilang ang 30 mamamahayag noong 2009 at pamilya ni Heneral Salipada Pendatun na pawang may malakas ng impluwensya sa larangan ng pulitika at pakikidigma.
Wala din balak magparaya ang MILF na paulit ulit na nagpapahayag ng ganito: “Liguasan Marsh is a legacy from our forefathers and intend to keep it as it is”.
Bilang pagpapatibay sa kanilang “kapit” sa Liguasan Marsh, bumuo ang MILF ng isang ahensyang kanilang tinawag na Bangsamoro Development Agency (BDA) na siyang nangunguna at nangangasiwa sa pagtukoy ng mga potensiyal ng Liguasan Marsh tungo sa ikauunlad ng mga residente dito.
Iba pang claimants
Ancestral domain naman ang giit ng mga kasapi ng tribong Magindanaw sa kanilang pananatili sa iba’t ibang bahagi ng Liguasan Marsh.
Sa mga umaa-angkin ng mga bahagi ng Liguasan Marsh, tanging si Pendatun lamang ang may hawak ng orihinal na titulo sa kabila pa ng mga legalidad at batas kaugnay ng pinagtatalunang Liguasan Marsh. Si Pendatun ay sinasabing kauna-unahang Muslim na ginawaran ng ranggong Heneral sa Hukbong Sandatahan ng bansa.
Gayunpaman, nagpahayag ang pamilya ng nasirang Hen. Pendatun na hindi nila hangad na angkinin ang buong Liguasan Marsh. Katunayan, bukas aniya sila sa isang sharing compromise sa iba pang may ownership claim sa lupaing nakasaad sa kanilang titulo.
May kani-kanilang claims of ownership din ang Alamada clan na sinasabing kanila ang 14,000 ektarya ng lupain sa lalawigan ng North Cotabato malapit sa hangganan ng Maguindanao at Lanao del Sur.
Patunay ng Yaman ng Liguasan
Mismong ang Philippine National Oil Company (PNOC) ang nagpapatunay ng yaman ng Liguasan Marsh. Katunayan, taong 1994 pa noong umpisahan ang pagsasaliksik at pag-aaral sa Liguasan Marsh.
Ang nasabing pagsasaliksik ay bahagi ng kanilang Geophysical Survey and Exploration Contract (GSEC) 73, na sumasakop sa mga lalawigan ng Maguindanao, North Cotabato, South Cotabato, Sultan Kudarat, Sarangani, Davao, at Bukidnon.
Katuwang sa nasabing pag-aaral ng PNOC ang Petronas, ang pinakamalaking oil company sa bansang Malaysia.
Opisyal na idineklarang positibo sa natural gas ang Liguasan Marsh noong huling bahagi ng dekada 90. Limang lugar ang tinukoy na na may mataas na deposito ng langis at natural gas. Kabilang dito ang mga Datu Piang (Dulawan), Sultan Sa Barongis sa Maguindanao at Lambayong sa Sultan Kudarat.
Ayon sa PNOC, sa Sultan Sa Barongis pa lamang, may sapat na natural gas na kayang patakbuhin ang isang 60-megawatt (MW) combined cycle power plant sa loob ng 20 taon.
Sa laki ng potensyal ng Liguasan Marsh, lubos na nakapagtataka na kabilang ang mga lalawigan at bayan na binabagtas ng Liguasan Marsh sa hanay ng mga pinakamahirap sa buong bansa.