
SA hangaring pwersahang ibalik sa bansa si Congressman Arnie Teves, nakatakdang makipag-ugnayan ang Department of Justice sa International Criminal Police Organization (Interpol) para sa ikadarakip ng kongresistang suspek sa likod ng kabi-kabilang patayan sa lalawigan ng Negros Oriental.
Hirit ng DOJ – Blue Notice na hudyat sa lahat ng pulis sa mga bansang miyembro ng United Nations (UN) para sa mabatid ang eksaktong lokasyon, agarang pagdakip at deportation sa nagtatagong kongresista.
Ayon kay Justice Spokesperson Atty. Mico Clavano, isa lamang ang Blue Notice sa mga hakbang ng kagawaran para palutangin ang mga suspek na pinaniniwalaang responsable sa pamamaslang kamakailan kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo at walong iba pa.
Ani Atty. Clavano, mas madaling matunton ang mga suspek – kabilang si Teves – sa ilalim ng naturang mekanismo ng Interpol.
Aniya pa, kapag nailagay na ang mga suspek sa international lookout magkakaroon na rin ng records ang bansa kung saan sila pumunta, anong petsa sila umalis sa isang bansa.
Nasa 10 indibidwal ang iniimbestigahan ngayon ng pamahalaan hinggil sa Degamo slay case.
“Mas marami pa po sa sampu iyong na involved sa investigation ho natin. Lumalabas po sa mga statements na mayroon po tayong parang layering na tinatawag ‘no – so mayroon po tayong mga gunmen, mga directly involved po doon sa assassination bilang driver, lookout iyong mga ganoon… tapos meron ho tayong handler or parang middleman ‘no na tinatawag. So ito iyong nagsisilbing parang layer of security doon sa ating mastermind,” pahayag ni Clavano.
Paniwala ng opisyal, malakas ang case buildup laban kina Teves at iba pang suspek.
Gayunpaman, nilinaw ni Clavano na mananatiling inosente si Teves hanggat hindi pa nahatulan ng husgado.
“We cannot condemn, we have to let the wheels of justice turn. Hindi tayo pwede mag-convict sa media agad-agad, kailangan po dumaan sa tamang proseso,” dagdag pa ni Clavano.
Sa ngayon nasa walong kaso pa ang inihain laban sa mambabatas bukod sa isang kaso na illegal possession of firearms ang ibinasura ng korte.