NANAWAGAN si Senador Win Gatchalian sa publiko na maging masinop sa paggamit ng kuryente o enerhiya habang ipinagdiriwang ang mahabang holiday season kung kailan mataas ang pagkunsumo ng kuryente.
“Magsilbing paalala sana ang National Energy Consciousness Month, hindi lamang sa buwang ito kundi sa buong taon, para makita natin ang kahalagahan ng responsableng paggamit ng kuryente. Ang anumang responsableng energy practices ay hindi lamang para sa pagtitipid ng pera, matitiyak din natin ang sustainability at pagbabawas ng environmental impact bunsod ng mataas na konsumo ng kuryente, “sabi ni Gatchalian.
Ang buwan ng Disyembre ay idineklara na National Energy Consciousness Month sa ilalim ng Proclamation No. 1427 upang ipaalala sa publiko ang pangangailangan sa pagtitipid ng enerhiya.
Ayon kay Gatchalian, ang inaasahang pagdating ng El Nino phenomenon sa sususnod na taon ay nagbibigay-diin ng pangangailangang magtipid ng enerhiya.
“Dahil ang El Nino phenomenon ay nagdudulot ng mas mainit kaysa sa karaniwang kondisyon ng panahon, maaaring magdulot ito ng pagtaas ng konsumo sa kuryente dahil sa pagtaas din ng demand. Kaya kailangang tiyakin na ang bansa ay may sapat na suplay ng enerhiya upang matugunan ang pangangailangan ng kuryente ng bansa,” sabi ni Gatchalian.
Ang mahusay na paggamit ng energy sources ay itinakda sa Republic Act 11285, na kilala bilang Energy Efficiency and Conservation Act, kung saan si Gatchalian ang may akda. Ayon sa probisyon ng batas, ang kahusayan sa paggamit ng enerhiya at pagtitipid ay dapat gawing institutionalized sa pamamagitan ng pagbuo at pagpapatupad ng mga polisiya. Ang mga planong ito ay naglalayong tiyakin ang kasapatan at katatagan ng suplay ng enerhiya nang sa gayo’y mapagaan ang epekto ng mataas na presyo sa lokal na merkado at maprotektahan ang kapaligiran. Ang inisyatibang ito ay bilang pagsuporta upang umunlad ang ekonomiya at mga layunin ng bansa.