Ni JAM NAVALES
PARA iwas-bulilyaso, sa online sellers na dinadaan ang bentahan ng mga smuggled na sibuyas, ayon kay Agri partylist Rep. Wilbert Lee, kasabay ng panawagan sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan na tuldukan ang aniya’y bagong diskarte ng mga sindikato.
Babala ni Lee, hindi lamang ang kabuhayan ng mga lokal na magsasaka ang apektado sa nasabing ilegal na gawain bagkus ito’y maaaring magdulot din ng masamang epekto sa kalusugan ng mga Pilipino.
Hirit ng neophyte Bicolano lawmaker, sa Bureau of Customs (BoC), magpatupad ng mahigpit na pagbabantay upang mapigilan ang pagpasok ng smuggled onions at iba pang agricultural products sa bansa.
Umapela rin ang partylist solon sa Department of Trade and Industry (DTI) na magkaroon ng partikular na polisiya para naman ganap na ipagbawal, tukuyin at ipagharap ng kaukulang parusa ang mga nagbebenta ng illegally-sourced agricultural products maging sa pamamagitan ng online selling.
“In coordination with the Bureau of Plant Industry (BPI), kailangan suriin ang health hazard ng mga binebentang sibuyas online, sa pagsasagawa ng phytosanitary tests, at magbigay ng kaukulang babala sa publiko lalo na kung hindi ito ligtas kainin,” giit pa ni Lee.
“Dapat lang paigtingin ng gobyerno ang proteksyon sa kabuhayan at kalusugan ng ating mga kababayan. Prayoridad dapat natin kung paano mapagaan ang pasanin ng local producers at consumers. Mahalagang masiguro na may tiyak na trabaho, dagdag na kita, sapat at masustansyang pagkain ang bawat pamilya, at mabawasan ang pangamba na walang panggastos at lalong mabaon sa hirap sa panahon ng emergency o pagkakasakit,” diin pa ng mambabatas.
Base sa impormasyong nakalap ni Lee, bina-bargain ng mga online sellers sa halagang P25 per kilo na lang ang smuggled onion – dahilan para bumagsak ang farmgate prices sa hanay ng local onion farmers.
Ayon naman sa grupong Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), nasa P28 na lang ang farmgate price ng lokal na sibuyas — higit na mas mababa kumpara sa P30 na production cost.
“Hindi po natin masisisi ang ating mga kababayan kung tangkilikin nila ang mga di hamak mas murang produkto na nabibili online, kasama na itong sibuyas. Sa mahal ng mga bilihin, doon sila sa mas makakamura, at madalas ay isinasantabi na lang yung pwedeng health hazard nito,” aniya pa.
“Sa kabilang banda, kawawa po ang ating mga magsasaka kapag hinayaan lang natin na kumalat o dumami ang mga nagbebenta ng smuggled na sibuyas online dahil ang ending nito, masasayang o mabubulok na naman ang mga lokal na ani,” dugtong pa ng kongresista.
Bunsod nito, hiniling ni Lee sa pamahalaan na dagdagan ang suporta sa mga lokal na magsasaka, kabilang na rito ang pagkakaloob ng ng ayuda, access sa mas murang farm inputs tulad ng pataba sa lupa at mga pestesidyo, pati na ang dagdag na post-harvest facilities gaya ng cold storages.”
“Kapag tinulungan natin sila sa mas murang production costs, at mas mabilis na access sa merkado at consumers, tataas ang kita ng ating mga local farmers, na mag-e-engganyo rin sa kanilang taasan ang produksyon, na magpapababa naman sa presyo,” giit ni Lee.
“’Pag nangyari ito, hindi na kailangan umasa sa ilegal at mas murang produkto na nabibili online. Panalo ang magsasaka, panalo ang consumers, Winner Tayo Lahat,” mariing pahayag pa ng kongresista.
