HINDI pa man natatapos ang pagdinig ng Kamara sa usapin ng agri-smuggling, muling nahaharap sa kontrobersiya ang Department of Agriculture kaugnay naman ng atrasadong paglabas ng sugar order para sa sugar shipment na nasa Pilipinas na.
Giit ni Sen. Risa Hontiveros sa inihaing Senate Resolution 497, talupan ang misteryo sa likod ng Sugar Order No. 6 (SO6) na nagbibigay pahintulot sa importation ng 440,000 metriko toneladang asukal.
Partikular na tinukoy ng Senador ang aniya’y paglapag sa Port of Batangas ng 260 dambuhalang containers na pawang naglalaman ng asukal na binili sa ibang bansa.
Pagsisiwalat ni Hontiveros, Pebrero 9 nang dumating ang mga naturang kargamentong nakapangalan sa kumpanyang All Asian Counter Trade Incorporated (AACTI), habang ang SO6 naman aniya ay inilabas ng Sugar Regulatory Administration (SRA) isang linggo pa ang lumipas – Pebrero 15,2023.
Ayon kay Hontiveros, hindi naaayon sa mga umiiral na batas ang pagpasok muna ng kargamento bago pa man simulan ang ‘application for sugar importation.’
Paliwanag pa niya, limang araw mula sa petsa ng Sugar Order pa lang pwedeng tumanggap ang SRA ng ‘application for sugar importation’ mula sa mga kumpanyang interesadong magpasok ng asukal sa bansa.
Kung masusunod anya ang tamang proseso, ang pinakamaagang petsa na pwedeng lumapag sa bansa ang sugar shipment – Marso 1,2023.
Sa impormasyon ng senador, tatlong importers na ang nabigyan na ng authority to import ng SRA na kinabibilangan ng AACTI, Sucden Philippines Inc. at Edison Lee Marketing Corporation.
Dalawa aniya sa mga nasabing kumpanya ang ginawaran na ng importation permit ng kagawaran noong Enero 13,2023.
Nagpahayag rin ng pagkabahala ang opposition senator sa inilipat na responsibilidad ng SRA sa kagawarang pinamumunuan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Mungkahi ni Hontiveros, isang senate investigation sa hangaring mabatid kung paano nakapasok sa bansa ang sugar shipments nang wala pa naman Sugar Order mula sa SRA.
“At a time of high prices and sugar shortages it is imperative to review policies that allow the favoring of powerful players and importers and create virtual monopolies on basic commodities,” saad sa isang bahagi ng resolusyon ni Hontiveros.
Dapat rin aniyang panagutin ang mga mapapatunayang sangkot sa bulilyaso.