HIGIT pa sa matamis na lansones, higit na kilala ang lalawigan ng Camiguin sa angking kagandahan, tampok ang mga luntiang tanawin at malinis na tubig mula sa mga talon, ilog at karagatan.
Sa ganda ng probinsya, nakakalungkot isipin na dapa pa rin ang kabuhayan ng mga residente – kabilang ang mga katutubo ng Camiguin. Kung pagbabatayan ang datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), hindi dama ang 1.2% na ambag ng Camiguin sa ekonomiya ng Northern Mindanao.
Dangan naman kasi, tila nakaligtaan – kung hindi man sadyang pinabayaan ng Department of Tourism (DOT) ang naturang lalawigan.
Bukod sa sadsad na turismo, bagsak din ang sektor ng agrikultura… mapapamura ka na lang sa pagkadismaya! Ang mga magsasaka, umani ng pangakong puro dada. .

Ang totoo, kabilang ang agrikultura, palagubatan (forestry) at pangisdaan sa tampok na industriya sa bansa kaya naman lubhang nakapagtataka na kailangan pa natin umangkat ng bigas at isda sa ibang bansa sa kabila ng malawak na sakahan at pangisdaan.
Pati ang industriya ng paghahayupan apektado sa kapabayaan ng gobyerno. Katunayan, kalagitnaan ng 2022 nang manalasa ang African Swine Flu (ASF) sa Camiguin. Ang tugon ng pamahalaang panlalawigan, “tokhangin” lahat ng alagang baboy ng maliliit na hog raisers.
Ang resulta — lalong nawindang ang kabuhayan ng mga pamilyang yun lang ang inaasahan. Pero teka, hindi ba’t may pondong inilabas ang pamahalaang nasyunal para tulungan makabangon ang maliliit na hog raisers?
Matapos ang halos dalawang taon, lugmok pa rin ang lokal na industriya ng paghahayupan. Kasi nga naman, sa halip na maglatag ng mga polisiyang makakatulong sa pagbangon ng apektadong sektor, piniling panatilihin ang restriksyon.
Base sa 2020 census, ang Camiguin ay tahanan ng humigit kumulang 100,000 katao – kabilang ang mga katutubo. Pero bakit parang di pa rin kayang tugunan ng pamahalaan ang kanilang pangangailangan? Dahil ba katumbas lang ng isang barangay ang bilang ng botante?
Ayon sa PSA, pumalo lang sa P 9,867 ang kada pamilya ang Gross Domestic Product (GDP) ng naturang probinsya. Ang ibig sabihin, nasa P250 lang kada araw ang kita ng bawat pamilya. Ganun katindi ang kahirapan sa Camiguin!

Kung tutuusin, malaki ang potensyal ng Camiguin dahil sa likas nitong yaman, kesehodang sa agrikultura, pangisdaan o turismo.
Sa haba ng baybayin ng Camiguin, dapat sana sikat ang mga beach ng naturang lalawigan pero ang DOT, mas piniling gumastos ng P49 milyon para sa paglikha ng logo, pagsasagawa ng global, regional, at local studies, at iba pang kampanyang naglalayon di umano umakit ng mga banyaga.
Dahil sa volcanic soil na meron ang Camiguin, walang butong hindi tutubo. Ganun kalusog ang lupang pwedeng pagtaniman
Ang siste, walang imprastraturang pang-agrikultura, salat sa makabagong teknolohiya, at ang higit na nakakalungkot ay ang pamamayagpag ng mga negosyanteng nambabarat sa prutas, gulay at isda mula sa naturang probinsya.
Ano ang dapat? Tumbasan ng gobyerno ng gawa ang bawat dada. Di rin angkop na sumusulpot lang sila kapag may sakuna.
Sa kabilang banda pinauunlad ng pamahalaang panlalawigan ang serbisyo sa tubig sa paglagda sa isang kasunduan na pangasiwaan ng Camiguin Integrated Water System Cooperative (CIWASCO) ang paglalaan ng mabuti, maaasahan, at ligtas na tubig para sa lahat.
Uulitin ko ha, PARA SA LAHAT.
Pero ano na naman kaya itong nakarating sa ating tanggapan hinggil sa ipinatutupad na restriksyon sa paggamit ng poso? Susmaryosep… kung sinsero ang pamunuan ng pamahalaang panlalawigan tiyakin ang kaligtasan ng mga residente ng Camiguin, huwag niyo ipagkait ang supply sa mga tao!
Magaling lang kayo mangako pag kailangan niyo ang boto!
