SADYA nga bang hindi na uso ang moralidad sa Pilipinas? Dangan naman kasi, garapalan na ang sistema sa bansa kung saan ang taong kilala sa mga ilegal na aktibidades pinapayagan manungkulan sa pamahalaan sa bisa ng isang halalan.
Katunayan, may dalawang illegal gambling operator sa bayan ng Padre Garcia sa lalawigan ng Batangas ang nakapaghain ng kandidatura para sa posisyon ng kapitan ng barangay.
Kilalanin natin sina alyas Tisoy at Nonit. Kapwa sila tubong-Batangas. Katunayan, pangalan pa lang nila, address na para sa pulis na lingguhang dumadalaw sa bahay ng dalawang damuho para sa bonggang ganansya.
Hindi galing sa angkan ng mga prominenteng politiko sa Batangas sina Tisoy at Nonit. Pero ang timbre ng impormante natin, malapit talaga siya sa mga politikong tulad ng mga pulis at nakikinabang sa kanyang lumalawak na negosyo.
Mini-casino, jueteng na ikinukubli sa likod ng small town lottery (STL), sakla, color game, beto-beto, high-low, bookies – ilan lang yan sa mga hayagang diskarte nina Tisoy at Nonit sa 18 barangay ng bayan ng Padre Garcia.
Ang siste, tila untouchable ang dalawang damuho.
Tengang kawali sa mga pasugalan nina Tisoy at Nonit ang pamunuan ng Batangas Provincial Police na pinamumunuan ni Col. Samson Belmonte. Ang lokal na pulisya sa pamumuno ni Major El Cid Villanueva, binulag na rin yata kaya ang laganap ng ilegalidad sa nasasakupan hindi na rin niya makita.
Maging si Padre Garcia Mayor Celsa Braga-Rivera, dedma sa imoral na negosyo ng dalawang damuho.
Sa pag-ikot nina Tisoy at Nonit, bukambibig nila ang pagiging malapit sa alkalde, habang ibinibida nila ang mga matikas na kasangga sa hanay ng pulisya.
Sa lakas ng dating nina Tisoy at Nonit gamit ang laksa-laksang kwarta, malamang masungkit pa ang pwestong kursunada lalo pa’t kaalyado diumano nila ang kanilang tinatawag na mayora.
Personal kong panawagan sa mga residente ng barangay kung saan target nina Tisoy at Nonit ang pwesto ng pagiging kapitan, maging matalino sana kayo sa pagpili ng kandidato.
But wait, there’s more. Bukod sa mga pasugalan, pasok din pala sa fuel smuggling sa Barangay Bawi at San Felipe ang tambalang Tisoy at Nonit.
Ano na ang nangyari sa “No Take Policy” na isinusulong ni PNP chief Gen. Benjamin Acorda?
Ano naman kaya ang masasabi ni Interior and Local Government Sec. Benhur Abalos sa mga himalang kaladkad ang pangalan ni mayora?
