ARESTADO sa mga operatiba ng District Anti-Carnapping Unit (DACU) ng Quezon City Police District (QCPD) ang driver na tumangay sa sasakyan ng kanyang dating among Koreano sa isinagawang follow-up operation sa Parañaque City.
Kinilala ni Maj. Hector Ortencio, hepe ng DACU, ang suspek na si Joel Mamac Jumalon, 43-anyos, at residente ng BF Homes, Parañaque City, habang patuloy pang tinutugis ang pinaniniwalaang kasabwat na nakilala sa pangalang Joel Talledo Rubio.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, bandang 2:10 ng umaga noong Oktubre 22 nagtungo ang biktimang si Sung Ho Park sa DACU para idulog ang pagkawala ng kanyang itim na Toyota Alphard na may plakang NEN-5018.
Ayon sa biktima, ipinarada niya ang kanyang sasakyan sa kanilang garahe sa Penelope Lane, Acropolis Village, Brgy. Bagumbayan, bandang 2:00 ng hapon noong Oktubre 18.
Nadiskubre lamang umano ng biktima na nawawala na ang kanyang sasakyan bandang 10:00 ng umaga ng Oktubre 21.
Sa CCTV camera, nakita ang dati niyang driver na dumating sa kanyang tahanan sakay ng Hyundai Starex na minamaneho ng kasapakat na kalaunan ay nakilalang si Rubio.
Pagkatapos ay bumaba si Jumalon at tinangay ang sasakyan ng dating amo. Matapos tangayin ang sasakyan ng biktima, nakatanggap umano ng mensahe sa viber ang biktima mula kay Jumalon na humihingi ng P100,000 kapalit ng kanyang Toyota Alphard.
Narekober sa suspek ang ninakaw na sasakyan at Hyundai Starex na may plakang DAC 1680.
Kakasuhan ang suspek ng paglabag sa Republic Act 10883 o ang New Anti Carnapping Law of 2016 and Robbery (Extortion) sa Quezon City Prosecutor’s Office.
“Lubos ang aking pasasalamat sa biktima sa kanyang tiwala sa ating pulisya. Paalala po sa lahat, lagi po tayong mag iingat at wag mag atubiling magsumbong para kayo ay agad naming masaklolohan”, pahayag ni QCPD Director Brig. Gen. Redrico Maranan.