HINDI biro ang nawalang pondo sa mga nabuking na ghost projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kung saan biglang yaman hindi lang ang mga kontratista kundi ang mga opisyales ng nabanggit na kagawaran.
Ang totoo, hindi na bago ang korapsyon sa DPWH. Taun-taon, kasama sa top 10 most corrupt government agencies ang naturang departamento.
Habang nilalapastangan ang kaban ng bayan, dumarami ang namamatay nang hindi man lang nalulunasan dahil sa liit ng pondo para sa kalusugan ng mga mamamayan.
Sa pagdinig ng senate blue ribbon committee kamakailan, partikular na tinalakay ang kabulastugan sa likod ng mga flood control projects ng DPWH.
Dangan naman kasi, ang proyektong inakalang magbibigay solusyon sa perwisyong baha, hayagang ginahasa ng mga dorobo sa naturang ahensya. Ang masaklap, kapit-tuko sa pwesto ang Kalihim ng departamento. Kapalmuks talaga!
Sa panig ni Senador Bong Go na tumatayong chairman ng Senate committee on health, mas mainam aniyang ilipat at gamitin na lang sa kalusugan ang pondong inilaan sa flood control projects na inaabangan ng mga kawatan.
“Sana ilaan natin ang pondo sa mapapakinabangan ng taumbayan lalo na para sa health – sa pagtatayo at pag-upgrade ng mga ospital, medical assistance, at PhilHealth benefits,” wika ni Go, sabay hablig sa aniya’y paglala ng pagbaha sa patuloy na paglobo ng pondo ng DPWH.
Ang mga dating hindi naman binabaha, ngayon nakalubog na. Partida, pataas ng pataas kada taon ang budget para sa flood control.
Sa datos ni Go, lumalabas na halos triple ang budget ng budget ng DPWH kumpara sa mga programa para sa kalusugan ng mga mamamayan.
Heto pa… usong-uso ang dengue sa panahon ng tag-ulan. Karaniwang nangingitlog at dumarami ang populasyon ng mga tinatawag na “dengue mosquitoes” sa mga lugar kung saan nakapirmis ang tubig baha.
Ang siste, pati ang Philippine General Hospital (PGH) sa kahabaan ng Taft Avenue binabaha sa tuwing bubuhos ang ulan. Kung ikaw ay may dinaramdam sa kalusugan, pupunta ka pa ba sa PGH? Baka sa yung simpleng sakit, maging dengue pa!
Maging ang bisinidad ng Senate building, lumulubog sa tuwing bumubuhos ang ulan.
