SA pagpapatuloy ng hidwaan sa pagitan ng mga lungsod ng Taguig at Makati, higit na apektado ang mga residenteng pinagkaitan ng serbisyo sa mga pampublikong pasilidad tulad ng mga paaralan, ospital, health centers covered court, multi-purpose halls, day care centers, parks, at iba pa.
Ang dahilan — ayaw isuko ng pamahalaang lungsod ng Makati ang tinaguriang enlisted men’s barrio (EMBO) na batay sa mga sinaunang cadastral map na pinagbatayan ng Korte Suprema, ay napatunayang bahagi ng Taguig.
Gayunpaman, bahagyang napawi ang agam-agam ng mga residente ng 10 EMBO barangays sa bisa ng temporary restraining order na inilabas ng Taguig Regional Trial Court (RTC).
Sa ilalim ng TRO, ipinag-utos ng Taguig RTC sa Makati City government na buksan ang mga ikinandadong pasilidad na sakop ng EMBO.
Sa muling pagbubukas ng mga pasilidad na ikinandado ng Makati City government, nagdiriwang ang mga residente ng EMBO barangay. Kasi nga naman, hindi na nila kailangan pang lumayo para sa libreng check-up, pagpapagamot, pag-aaral, pook-pagtitipon, palaruan, pasyalan at iba pa.
Nagpasalamat ang ilang residente kay City of Taguig Mayor Lani Cayetano na hindi bumitaw sa sagupaan sa husgado.
“Truth clearly spoken. Thank you, mahal naming Mayor Lani Cayetano. Ang pagmamahal mo po sa Taguig ay dadaloy din sa EMBOs,” sambit sa Facebook post ng isang residente.
Hindi rin nagpahuli si West Rembo Barangay Captain Leo Bes, na nagpahayag ng kanyang pasasalamat sa isang video post. “Maraming residente ang makikinabang dito.
Nagpapasalamat ako kay Mayor Lani Cayetano dahil sa kanya naging possible ang mga ito,” wika niya.
Sa 21-pahinang kautusan ng Taguig RTC na inihain nitong May 5, sinabi ni Executive Judge Loralie Cruz Datahan na may sapat na batayan at “extreme urgency” ang aplikasyon ng Lungsod ng Taguig para sa TRO.
Taong 2021 nang katigan ng Korte Suprema sa usapin ng hurisdiksyon ng 10 EMBO barangay.
Malinaw ang pasya ng korte, hindi sakop ng Makati ang EMBO kaya naman hands off na dapat ang mga Binay sa lugar na labas sa kanilang “imperyo.”
Bilang pangwakas, sana naman igalang ng mga Binay ang Korte Suprema lalo pa’t hindi nila pera ang ginastos sa pagpapatayo ng mga pinipiit na pasilidad!
