
MULA sa pagbabalangkas hanggang sa ganap na maging batas noong Marso 1995, inakala ng mga abang sektor ng lipunan na magkakaroon na sila ng tinig sa Kongreso sa bisa ng Partylist System Act.
Fast forward tayo. Makaraan ang tatlong dekada, nganga pa rin ang magsasaka, mangingisda, ang mga may kapansanan, migrante, manggagawa, maralita at iba pa.
Dangan naman kasi, hindi naman mga tunay na magsasaka, mangingisda, may kapansanan, migrante, manggagawa o maralita man lang ang mga partylist congressman sa Kamara. Sa madaling salita, puro sila pekeng kinatawan ng abang sektor ng lipunan.
Sa ilalim ng Republic Act 7941, hangad ng naturang batas bigyan ng tinig ang bawat sektor ng lipunan sa Kongreso — “The state shall promote proportional representation in the election of representatives to the House of Representatives through a partylist system”.
Pagsapit ng Mayo, 156 partylist groups ang pagpipilian ng mga botante. Marami sa kanila, matamis kung mangusap, matikas bumigkas at kung mangako ay wagas… na tila ba sanay na sanay mambola sa mga mamamayan.
Sa datos ng grupong Kontra Daya, lumalabas na 86 (higit pa sa kalahati ng kabuuang bilang ng mga partylist groups) na kalahok sa halalan sa Mayo ay mula sa pamilyang trapo.
Sa pasilip ng grupong Kontra Daya, kabilang sa mga tinukoy na partylist groups ang 4PS ng mga Abalos, ACT-CIS ng mga Tulfo, Ako Bicol sa pangunguna ng kongresistang nasa likod ng mga bulilyasong kontrata sa gobyerno, FPJ Bantay Bayanihan na itinaguyod ni Senador Grace Poe para sa anak niyang si Brian, at ang Tingog partylist ng mag-asawang Romualdez.
Nandyan din ang Duterte Youth (pero tanders na ang kinatawan) na dalubhasa sa larangan ng red-tagging. But wait, there’s more — ang mga bigtime na kontratista sa DPWH, may partylist congressman na rin.
Kung pagbabatayan ang pinakahuling survey na pinangasiwaan ng Social Weather Station (SWS) noong buwan ng Disyembre ng nakalipas na taon at Enero 2025, lumalabas na liyamado sa karera ang mga nabanggit na grupo.
Sa mga isinagawang pag-aaral ng Kontra Daya, lumalabas na kontrolado ng mga pamilyang trapo ang pulitika sa bansa. Mantakin mo nga naman… gobernador si daddy, congresswoman si mommy, mayor si kuya. Pag tapos na ang termino, palitan lang sila ng pwesto. Para sa ibang kaanak na nais pumalaot sa pulitika, partylist ang takbuhan nila, tulad ng ginawa ng mga Revilla.
Isa sa dahilan kung bakit santambak ang pekeng kinatawan ng mga partylist groups sa Batasan — pork barrel! Para sa akin, malaking kabiguan ang Partylist System Act.