IMBIS na bumaba ang bayarin sa bisa ng pagpapatupad ng one-time refund, asahan ang pagtaas ng singil ng Meralco sa konsumo ng kuryente ng mga taga Metro Manila at karatig lalawigan ngayong buwan ng Pebrero.
Sa isang kalatas, ibinahagi ng Meralco ang antas ng dagdag-singil sa mga kabahayan sa 17 lokalidad sa National Capital Region (NCR), Cavite, Bulacan, Rizal at ilang bahagi ng Laguna.
Para anila sa mga tahanang kumokonsumo ng 200 kWh kada buwan, madadagdagan ng P57 ang singil ng distribution utility firm. Mas mataas naman ang inaasahang patong sa February consumption bill ng mga tahanang higit pa sa 200 kWh kada buwan ang konsumo.
Ayon sa Meralco, sumipa pataas ang generation charge ng P0.3845 per kWh bunsod ng ipinatupad na price adjustment ng mga independent power producer (IPP) at power supply agreement (PSA).
Sinisi naman ng Meralco ang paghina ng piso kontra dolyar sa karagdagang P0.8355 per kWh na singil ng mga IPP. Kabilang rin anila sa dahilan ng dagdag-singil ang pagtaas sa presyo ng liquefied natural gas terminal fees ng First Gas Sta. Rita at San Lorenzo.
Nagkaroon din anila ng pagnipis ng supply dahil sa scheduled maintenance ang Quezon Power.
