HINDI na bago ang palusot at turuan sa hanay ng mga taong gobyerno sa hangaring iwasan maipit, masisi o di naman kaya’y masampahan ng kaso. May mga pagkakataon din naman kusang nagbibitiw na lang sa pwesto ang mga nasadlak sa bulilyaso para tapos agad ang kwento.
Sa kaso ni Secretary Marian Antonia Yulo-Loyzaga ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), mas lamang ang hugas-kamay nang sabihin niyang wala sa kanyang mandato ang magsuspinde sa anumang aktibidad na nakakapinsala sa kalikasan. Hindi rin aniya trabaho ng kanyang departamento bawiin ang iginawad na suspensyon.
Sa kanyang tinuran, malinaw na umiiwas lang ang Kalihim sa sakit ng ulo.
Bakit kamo? Dangan naman kasi, malinaw sa batas na lumikha ng kanyang kagawaran ang mga trabahong dapat inaatupag ng naturang departamento, batay sa Executive Order 192 na nilagdaan noong 1987 ng yumaong dating Pangulo Corazon Cojuangco Aquino.
Sa ilalim ng EO 92, malinaw na responsibilidad ng DENR – pangalagaan, pangasiwaan at isulong ang wastong paggamit ng likas na yaman na mayroon tayo.
Sa madaling salita, sila ang bida pagdating sa mga usapin kaugnay ng kalikasan.
Nang ihayag ang suspensyon ng Manila Bay reclamation, bakas sa kanya ang tikas at emosyon sa repormang bitbit sa kanyang pagkakahirang sa pwesto.
Fast forward tayo. Matapos ang tatlong buwan, nagbago ang ihip ng hangin.
“The DENR neither suspended, nor lifted suspension,” ani Yulo-Loyzaga ilang saglit matapos bawiin ang suspension order na ipinataw sa dalawang reclamation projects sa Lungsod ng Pasay.
Ang masaklap pa, nagturo pa ng ibang ahensya ang anak ng isa sa pinakamalaking haciendero – “It is a matter to be handled by the Philippine Reclamation Authority.”
Sa ganang akin, walang puwang ang hugas-kamay at iwas-pusoy sa mga opisyales ng gobyerno. Kung wala rin naman palang kapangyarihan ang DENR sa usapin ng kalikasan, ano pa ang silbi niya sa sambayanan?
Batid ng lahat na mayaman si Yulo-Loyzaga. Kung tutuusin, barya lang para sa kanya ang buwanang sahod bilang Kalihim ng naturang departamento pero ano kaya ang pumipigil sa kanya para magbitiw na lang sa pwesto?
Ang buwanang byahe ba gamit ang pondo ng kanyang departamento? O ang interes ng pamilya sa legal na usapin ng hacienda ng pamilya sa lalawigan ng Palawan?