
MAY kasabihang marami kang kamag-anak kapag matagumpay ka at ulila naman kapag malas ka. Mas magandang pakinggan ito sa Ingles, pero nasanay lang kasi tayo.
Iyan ang nangyayari ngayon sa kaso ng 1.2-bilyon pisong tulay sa Isabela na noong una’y inaangkin ng mga Dutertards na “pamana” umano ng tatay nilang mamamatay-tao sa mga Pilipino – na agad namang pinabulaanan ng mga Dilawan na nagsabing “Hoy, mga unggoy, si PNoy ang nagpatayo ng tulay na ‘yan!” Kanya-kanya pa silang labas ng mga meme na umaangkin ng kredito sa 990-metrong tulay na nag-uugnay sa mga bayan ng Cabagan at Sta Maria sa Isabela.
Maging si Dayunyor ay pinagmistulang bida dahil sa panahon niya, noong 2023, naglagay ng dagdag na pampatibay – retrofitting daw – para palakasin ang tulay matapos mapansing may mga kahinaan ito kahit katatapos lang noon.
Natapos ang retrofitting nito lang Pebrero 1, 2025. Ebribadi hapi na sana, kaso biglang bumagsak ang tulay sa bahagi ng Cabagan matapos daanan ng trak ng basura na may sakay na mahigit sandaang toneladang bato — 26 araw pagkatapos makumpleto.
Biglang naging mistulang batang ketongin ang tulay at sinasabi na ngayon ng mga Dutertards na kasalanan yan ni PNoy dahil 2014 sinimulan ang tulay at responsible siya rito. Humihirit naman ang mga Dilawan na plano lang ang ginawa ni Pinoy pero ang nagpatupad nito eh si Dutae at mga bata niya ang gumamit ng sampu-samperang materyales at tsumugi sa pondo. Hindi rin daw dapat sisihin si Dayunyor dahil retrofitting lang daw ang ginawa nung panahon niya.
Sa kabila ng mga batuhan ng sisi, wala pang linaw kung sino ang dapat magpaliwanag sa kapalpakang ito: si Rogelio Singson ba na hepe ng DPWH nung panahon ni PNoy, si Mark Villar ba na hepe ng DPWH ni Dutae, o si Manuel Bonoan na hepe ng DPWH ni Dayunyor?
Syempre ang mag-iimbestiga nito ngayon e ang kasalukuyang DPWH. At sabi nga ng bagong tagapasalita ni Dayunyor, “gugulong ang mga ulo” ng sinuman ‘pag napatunayan may katiwalian sa pagtatayo ng tulay.
Tingnan nga natin kung gagawin ‘yan o maghahanap sila ng usual suspects na pipitsugin o buburuhin hanggang mabaon sa limot tulad ng marami nang katiwaliang nagdaan sa sawimpalad nating bayan.
Marami nang sumawsaw at sumasawsaw sa insidenteng ito, lalo na yung mga pulitiko. Ang patutsadahan – ang pag-angkin sa magagandang proyekto at pagtatakwil sa mga pangit – ay sintomas ng patronage politics na nasa himaymay na ng kalamnan ng pulitika sa Pilipinas.
Ipinangangalandakan at inaangkin ng sino mang Poncio Pilato ang magagandang proyekto bilang pabuya sa mga taong bumoto sa kanya. Na may mapapalang ganansya ang mga botante basta’t maging tapat lamang sa kanya. Kapag pumalpak ang proyekto e ipapasa lamang ang sisi sa kalaban.
Bweno, ganyan talaga ang buhay. Ang dapat gawin ng mga matitinong tao e ugatin ang puno’t dulo ng mga isyu at pagbayarin ang mga dapat pagbayarin, kakampi man o hindi.