PINAWISAN ka rin ba ng malapot at malamig nung biglang hindi mag-open ang GCash account mo?
Halos isang araw din kinabahan ang milyon-milyong GCash users sa bansa kung anong kahihinatnan ng kanilang pera at naabala rin ang marami dahil sa naudlot na cashless transaction sa mga binili at pambayad sa mga ‘judith’ at monthly bills!
Kung hindi daw naging maagap ang pamunuan ng GCash sa pagresolba ng depekto ng kanilang virtual wallet services ay posibleng maharap ang kumpanya sa likod ng e-wallet platform sa reklamong cybercrime. Pero sa ngayon, walang nakikitang legal na pananagutan ang kilalang mobile wallet sa bansa dahil sa maagap nitong natugunan ang nangyaring aberya sa kanilang platform kamakailan.
Tugon ito ni Department of Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa mga nananawagan imbestigahan ang GCash dahil bukod sa naging abala sa mga users, may mga reklamong pa umanong ilang funds na hindi awtorisadong nailipat sa ibang banko o ibang account.
Marami kasi ang nag-akalang na-hack ang Gcash at maglalaho nang parang bula ang kanilang pondo sa e-wallet.
Pero nauna nang sinabi ng pamunuan ng GCash na hindi na-hack ang kanilang IT platform kundi “phishing” o nakuha ng cyber tricksters ang personal information ng ilang inosenteng subscribers na siya umanong sanhi kung bakit nagkaroon ng unauthorized fund movements sa naturang mobile wallet.
Pinakalma na rin ng GCash ang kanilang mga kliyente sa agarang pagsasaayos sa naturang problema. Anila pa, naibalik nang buo sa ilang GCash subscribers ang mga naireklamong unauthorized funds transfer at buo umano ang integridad at seguridad ng kanilang serbisyo sa publiko.
Naging isyung kakatwa naman sa ilang netizens ang pangyayari na panay ang reklamo at pag-aalala gayong wala namang laman ang GCash account.
Balik na sa normal ang serbisyo (mas angkop yata kung negosyo – editor) ng GCash makaraan ang ilang oras na sadyang pagpigil nito ng operasyon upang anila ay agarang maisara ang pagkakataong lumaki ang bilang ng phishing victims.
Paalala ng GCash sa publiko, panatilihing pribado at secure ang kanilang mga account at huwag ipaalam kahit kanino ang OTP at MPIN para hindi mabiktima ng phishing at mga scammer.
…
Mag-ingat tayo mga kababayan dahil sa pagsirit muli ng kaso ng mga nagpupositibo sa Covid-19 sa bansa.
Sa nakaraang linggo may 1,533 kaso kada araw simula pa ika-10 ng Mayo ganito rin daw noong ika-11 ng Hulyo 2022 kung kailan may 1,507 arawang kaso.
Hinihikayat pa rin ng DOH ang publiko na magpabakuna kontra-Covid at ang mga bakunado na ay magpa-booster na kaagad.