SA halip na bumilib, nagmistulang paksa ng katatawanan ang ibinidang anti-gambling operational accomplishment ng Cavite Provincial Police Office.
Ako man ang natawa nang makita ko ang isinumiteng ulat ng CPPO kung saan nakuha pang ipagmalaki ni Cavite provincial police chief Col. Eleuterio Ricardo Jr. ang dalawang sugarol na nalambat sa ikinasang ng anti-illegal gambling operation.
Sa aking sapantaha, isang malaking insulto kay Calabarzon Regional Director Brig. Kenneth Lucas ang pagtatalaga kay Col. Ricardo sa Cavite kung saan laganap at lantaran ang operasyon ng lahat ng klase ng ilegal na sugal – basta may basbas ng isang alyas Richard na nagpapakilalang bodyguard at kasosyo ng nakaupong provincial provincial police director.
Sa isinapublikong Daily Operational Accomplishment ng Cavite PNP, dalawa katao ang di umano’y kanilang kinalaboso matapos mahuli sa aktong naglalaro ng tong-its. Narekober din anila ng mga operatiba ang P430 na pusta sa naturang sugal-baraha.
Tila nais paniwalain ng ng Cavite PNP si Gen. Lucas na walang ilegal na sugal sa nabanggit na lalawigan.
Hindi ko personal na kilala si Gen. Lucas pero sa tingin ko naman hindi tanga ang Calabarzon regional police chief para maniwala sa moro-morong anti-illegal gambling drive ng Cavite PNP.
Ayoko pangunahan si Gen. Lucas. Subalit parang mas mainam na magtalaga ng bagong Cavite provincial police director, kasabay ng pagtugis kay Richard na ayon sa aking impormante ay panakot ang pangalan ng Calabarzon PNP director sa pangangalap ng lingguhang protection money mula sa mga operator ng STL con Jueteng, bookies, paihi, sakla ang mga pergalan sa buong Cavite.
Ang masaklap, nagpataw na rin ng price increase si Richard sa lingguhang payolang kinokolekta mula sa mga ilegalista – sa utos diumano ni Gen. Lucas.
Katunayan, umaaray na sina Nitang Kabayo (na galamay ni Bong Pineda) at Jun Toto sa ipinataw na increase ni Richard sa lingguhang payola. Dumadaing na rin diumano ang isang alyas Ompong. Tama ang inyong nabasa… hindi lang presyo ng mga pangunahing bilihin sa merkado ang nagmamahal, pati ang lingguhang payolang kinokolekta ni Richard sa mga ilegalista.
Matatagpuan ang bolahan o rebisahan ng bookies ni Jun Toto sa isang garahe sa Barangay Sta. Maria sa lungsod ng Dasmariñas, habang ang pwesto pejo at color game ni Ompong naman ay nasa tabi ng isang gasolinahan at sikat na kainan sa GMA, Cavite.
Si Richard din ang may basbas sa pwesto pejo saklaan at pergalan sa Alfonso, Cavite kung saan ka-tandem niya ang isang alyas Francis sa pambubukol kay Alfonso Station chief Major Robert Dimapilis.
Sa bayan ng Indang Cavite, lantaran ang pwesto pejo saklaan ni Aileen na ang bangka ay isang nagngangalang Jenel Francisco na umano’y kapitalista. Oops, hindi ba bodyguard yan ni Justice Secretary Boying Remulla?
Walang duda, napakahusay ni Richard… sa sobrang galing niya, pati sina Lt. Col. Marlon Solero na dating hepe ng Naic, Deputy Provincial Director Lt. Col. Naganag at DPDO Lt. Col. Oruga kaladkad ni Richard sa pangongolekta ng lingguhang payola.
Oops, meron pa. Kasama rin ipinangingilak ni Richard ang tanggapan ng Provincial Special Operation Group (PSOG) at Provincial Special Operation Unit (PSOU) na nasa pamumuno ni Lt. Col. Cruzada.
But wait, there’s more. Nagpalipad-hangin na rin si Richard sa mga peryodistang nagsisiwalat sa kanyang modus. Aniya, hangga’t nakasandal siya sa isang alyas Batuginas, hindi siya matitinag sa kanyang operasyon.