
INISMOL ng gobyerno ang tangkang pagparalisa sa pampublikong transportasyon ng ilang nanggagalaiting transport groups simula sa Lunes, Marso 6.
Tila iniisip kasi ngayon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na parang mangingiliti lang ang gagawing transport strike at hindi talaga makakasugat sa sektor ng transportasyon.
Ayon sa LTFRB, halos anim na porsiyento lamang ng mga public utility vehicles (PUVs) sa buong bansa ang inaasahang sasama sa transport strike.
Maging sa larangan ng edukasyon ay hindi rin kabado sa bantang tigil-pasada dahil walang balak ang Department of Education (DepEd) na magsuspinde ng klase sa susunod na linggo sa kabila ng ikakasang tigil-pasada ng transport group na Manibela sa Lunes, Marso 6 hanggang 12 para tutulan ang phaseout ng traditional jeepney sa bansa.
Giit pa ng DepEd, sa halip na magsuspinde ng klase, pinapayuhan ang mga eskwelahan na magsagawa na lamang ng Alternative Delivery Modes ng pagtuturo.
Ngayon pa ba magpapasindak ang DepEd eh halos dalawang taon na naitawid ang pag-aaral habang nakakulong sa bahay sa kasagsagan ng Covid-19 pandemic?
Pero kahit medyo dehado ang mga sasali sa tigil pasada eh gusto pa ring makasiguro ng gobyerno na may masasampahan ang mga mananakay kaya ang MMDA, PNP at AFP ay magpapakilos din sa humigit-kumulang 106 na transport vehicles nito para tumulong sa mga commuters.
Sa tantya ng mga pasimuno sa transport strike, nasa 40,000 jeepney at UV express drivers ang makikiisa sa tigil-pasada.Kaya katumbas daw ito ng 2 milyong pasahero ang maaapektuhan kapag natuloy ang jeepney strike.
Bagama’t maganda sa pandinig ang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng pamahalaan kinakailangan siguro itong pag-aralang mabuti.
Dito kasi nagngingitngit ang ilang driver-operators lalo na ng mga ordinary jeep na pakiramdam nila ay sila ang talo dahil sa maaapektuhan ang kanilang kabuhayan.
Hindi lang lumang jeep ang aagawin sa kanila kundi pagkain na isusubo ng kanilang pamilya.
Bago sana ang pagpapatupad ng PUVMP ay nasiguro na ito ay may kaakibat na win-win solution at hindi yung mga ‘komisyuner’ ng programa ang nakangisi dahil nasa isip na nila ang kanilang kikitain.
Maging ang Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay aminadong bagama’t nakikita niya ang pangangailangang gawing moderno ang mga pampublikong sasakyan, dapat maayos ang pagpapatupad ng programa.
Uulitin natin MAAYOS na pagpapatupad… Hindi nagmamadali na para bang takam na takam at atat na atat makakuha ng komisyon mula sa mga paparating na modernong jeep.