
BAGAMAT kinamumuhian ng marami, bumida si Donald Trump sa mga Kano nang baguhin niya ang pangalan ng “Gulf of Mexico” sa “Gulf of America.” Isa lamang yun sa marami niyang kontrobersyal na proklamasyon mula nang opisyal na umupo bilang pangulo ng Estados Unidos noong Enero 20.
Kahit may mga natawa sa ginawa niyang ito, hindi ito sapat para pagtakpan ang marami niyang kapalpakan na nagpapahamak sa karaniwang mga Amerikano, kabilang na ‘yung mga sumuporta sa kanya sa kampanya.
Isa roon ang pagbibigay niya ng natatanging kapangyarihan kay Elon Musk, na pinakamayaman sa mundo at ngayo’y nagsisilbing bangungot sa mga tao, lalo na ‘yung mga nagtatrabaho sa gobyerno. Hindi nila akalain madu-Duterte sila ng trumpong kangkarot. Galit din ang maraming gobyerno at mamamayan ng ibang bansa dahil apektado sila sa mga desisyon ng dilawang mama.
Pero sa isyu ng pagpapalit ng pangalan ng gulpo, ang kapitbahay lang niya sa ibaba ang nagalit sa kanya nang todo. Palitan ba naman niya ang pangalan ng gulpo na ilang daang taon nang kilala bilang “Gulf of Mexico” at pinahahalagahan ng mga Mejicano bilang pamana at bahagi ng kanilang kasaysayan.
Pag-aari ng Mexico ang ilang estado ng US mula 1821 hanggang 1848 nang matalo ito sa digmaang Mejicano-Amerikano. Minana ng Mexico mula sa Espanya ang mga teritoryo. Ang mga Espanyol ang nagpangalan ng “Golfo de México” na itinuturing nilang kanila at kinilala ng maraming bansa bilang “Gulf of Mexico” sa Ingles.
Sakop na ng Espanya ang ilang teritoryo ng US simula pa noong mga 1500s at naisalin ang mga ito sa Mexico noong 1821 nang lumaya ang mga Mejicano mula sa pananakop ng mga Kano.
Para kay Trump, bahagi ng islogan niyang “Make America Great Again” ang desisyong ito; at para ipakitang seryoso siya, pinagbawalan niya ang Associated Press, isa sa pinakamalaking kumpanya ng midya sa US, na dumalo sa mga press conference sa White House dahil sa paggamit ng Gulf of Mexico sa halip na Gulf of America. Sumunod naman ang Google sa utos ni Trump at ginamit ang “Gulf of America” para sa mga nagkokompyuter sa US, “Gulf of Mexico” sa mga nakatira sa Mexico, at “Gulf of Mexico (Gulf of America)” para sa natitirang mga bansa. Dahil dito nagbanta ang Mexico na idedemanda ang Google.
May pagkakahawig ang proklamasyong ito ni Trump sa deklarasyon ni dating pangulong Noynoy Aquino noong 2012 na tawagin ang bahagi ng “South China Sea,” na sakop ng ating Exclusive Economic Zone (EEZ), na “West Philippine Sea.” Kaya kahit kumukulo ang dugo ng marami sa atin dahil sa pagputol ni Trump ng ayuda sa mahihirap na bansang tulad natin, hindi natin mabatikos ang pagpapalit ng pangalan ng isang katubigan dahil ginawa rin natin ito.
Para sa lahat ng Pilipino, kaiba ang WPS sa South China Sea, at iginigiit natin ito sa pakikipagrelasyon sa ibang bansa. Dangan nga lamang at wala tayong kontrol sa pandaigdigang kumbensyon sa pagpapangalan sa mga lugar, lupa at katawang tubig.
Bagama’t may bisa sa sarili nating bansa ang lokal at pambansang batas sa pagpapangalan, hindi ganun kabilis kumilala ang mga tao sa ibang panig ng daigdig.
May iba pang nahaharap sa ganitong sitwasyon, nariyan ang “Persian Gulf,” na gusto ng mga Arabong bansa sa paligid nito, na tawaging “Arabian Gulf” dahil hango sa lumang pangalan ng Iran ang Persia at hindi na angkop gamitin. Gustong tawagin ng ilang eksperto na “West Asia” ang “Middle East” dahil eksaktong lugar sa Asya ang West Asia kaysa sa gitna ng “silangan” na nakabatay sa perspektiba ng mga taga-Europa.
Ang tawag ng Vietnam sa sakop nilang bahagi ng South China Sea ay “East Sea.” Pero hindi nga ganun kadaling magpalit ng pangalan kahit may layunin kang itama ang mga pagkakamali ng mga sinaunang tagapagbigay ng pangalan.
Malamang na mga Kanluraning nilalalang ang nagbigay ng pangalang “South China Sea” pagkatapos nilang tumingin sa mapa at makitang nasa ibabang bahagi ng Tsina ang dagat at wala silang pakialam sa iba pang bansang naroon.
Ilan sa mga awtoridad sa pagpapangalan ang United Nations at, para sa mga katawang tubig, ang International Hydrographic Organization (IHO). Kinilala ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) ang pagmamay-ari ng Pilipinas sa WPS sa isang desisyon nito noong 2016, pero hindi pa ito kinikilala ng IHO bilang partikular na pangalan sa bahaging ito ng South China Sea.
Maging ang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ay hindi pa handang opisyal na kilalanin ang WPS kahit may simpatya ang marami sa kanila sa ipinaglalaban natin, lalo na’t tatlo rin sa kasapi ng grupo ang may inaangking bahagi ng karagatan – ang Brunei, Malaysia, at Vietnam.
Sa huli, mangyayari’t mangyayari na kikilanin sa rehiyon at maging sa mundo ang WPS, pero kailangan ng malawakang suporta ng mga bansa para tumimo ito sa kamalayan ng marami at mailagay sa mapa. Sa ngayon, lagi natin isigaw na “Atin ito!”