WALANG kawala. Dalawang hukuman na ang wari ko’y kumbinsidong sabit si Mayor Marcy Teodoro at ang buong tropa niya sa city hall kaugnay ng paglalamiyerda sa bansang Vietnam gamit ang pondong nakalaan para sa mga programang pangkalusugan sa lungsod ng Marikina.
Unang naglabas ng suspension order ang Office of the Ombudsman noong Marso. Buwan ng Mayo naman nang katigan ng Court of Appeals ang argumento ng Ombudsman. Ang sentensya – tuloy ang suspensyon. Walang TRO. Walang delay. Walang lusot.
Ang dahilan? Simple pero nakakagigil. Pondo para sa gamot at medical assistance ng mga Marikenyo, ginamit daw para sa byahe sa Vietnam. Oo, Vietnam. Sa halip na gamot, check-up, o pambili ng oxygen, ginastos sa lamyerda sa ibang bansa.
Ang halagang involved? Mahigit P130 milyon. Inilipat mula sa iba’t ibang health budgets ng lungsod mula 2020 hanggang 2021. Ang problema? Hindi malinaw ang dokumento, walang sapat na authorization, at walang paliwanag kung paanong naging COVID response ang pagbiyahe.
Kasama sa sinuspinde ang mayor, vice mayor, 12 konsehal, at ilang top finance officials ng lungsod. Sila ang pinaniniwalaang may kinalaman sa galawan ng pondo. At ayon sa Ombudsman, sapat ang basehan para masabing may nangyaring malversation, illegal use of public funds, at grave misconduct. Kaya umabot sa preventive suspension na hanggang anim na buwan.
Hindi ito simpleng reklamo. Hindi ito tsismis. Hindi ito fake news. Opisyal na desisyon ito ng dalawang lehitimong institusyon, ang Office of the Ombudsman at ang Court of Appeals. Sila mismo ang nagsabi: may mabigat na batayan ang mga paratang. Kung mahina ang kaso, matagal nang ibinasura. Pero hindi — lalo pang tumibay.
At ngayon, habang nasususpinde, panay pa rin ang palusot. Press conference dito, drama doon. Kesyo pulitika lang, kesyo inaapi raw sila. Pero teka, sino ba ang ginamitan ng pondo? Sino ba ang nawalan ng gamot? Sino ba ang pinagkaitan ng tulong medikal?
Ito ang tunay na tanong. Ito ang tunay na isyu. Hindi ito pang-aapi. Hindi ito intriga. Hindi ito revenge politics. Ito ang resulta ng pang-aabuso. At ngayon, ito ang resbak ng hustisya.
Panahon na para managot. Panahon na para harapin ang katotohanan.
