HALOS tatlong taon na mula nang sabihin ng Korte Suprema na ang EMBO, bahagi na ng Taguig. Malinaw, pinal, walang labis, walang kulang. Pero heto na naman tayo — kailangan pang umeksena ang isa pang korte para ipaalala ang matagal nang desisyon ng batas.
Nitong May 8, naglabas muli ang Taguig Regional Trial Court ng temporary restraining order (TRO) laban sa Makati. Ibig sabihin, bawal munang makialam ang Makati sa mga hakbang ng Taguig para maibalik ang serbisyo sa mga barangay ng EMBO — labing-pitong araw pa itong epektibo.
Hindi na sana kailangang umabot pa rito.
Nag-ugat ito sa mga health center, day care, at iba pang pasilidad sa EMBO na isinara ng Makati noong nakaraang taon. Mga serbisyong araw-araw na inaasahan ng mga residente, lalo na ng mga bata at senior citizens. Sinubukan ng Taguig na buksan muli ang mga ito, pero hinarangan sila ng Makati — kaya napilitang muling dalhin sa korte ang isyu.
Nakakabahala kasi malayo na ito sa tunay na diwa ng serbisyo publiko. Hindi lang ito usapin ng gusali o ari-arian. Serbisyo ito ng gobyerno na karapatan ng tao. Pero parang ginawa itong pambarter sa matagal nang political na banggaan.
Ang Taguig, mula’t mula pa, sumunod sa utos ng korte. Kumilos ito para siguraduhin na hindi mapuputol ang serbisyo sa mga taga-EMBO.
Pinamahalaan na nila ang mga pasilidad na malinaw naman nasa ilalim na ng kanilang hurisdiksyon. Ang TRO nitong Mayo ay nagbigay daan para matuloy ang serbisyong iyon.
Sa kabilang banda, ang Makati—imbes na tumanggap at tumulong sa maayos na transisyon—tila ayaw pa ring bitiwan ang kontrol. Ang resulta: abala sa mamamayan. Nakakainis, kasi malinaw naman ang batas. Pero pilit pa ring hinihila paatras ang proseso.
May hearing muli sa Mayo 15. Doon na sana maisara ang usaping ito at magkaroon ng mas matagalang solusyon. Pero habang patuloy ang pagharang, patuloy din naapektuhan ang mga ordinaryong tao.
Simula’t sapul, ang Taguig ay kumikilos: sinusunod ang batas, binubuksan ang mga pasilidad, at inuuna ang kapakanan ng mga tao.
Ang Makati? Paulit-ulit na humahadlang at paulit-ulit na namumulitika.
