SA hangarin isulong ang kapakanan ng mga magsasaka, higit na angkop magtulungan ang Kongreso at Department of Agrarian Reform (DAR).
Sa ginanap na Agrarian Reform Beneficiaries (ARB) Summit 2026 Ilagan City kamakailan, tiniyak ni House Speaker Faustino Dy III ang kooperasyon sa pagitan ng Kamara ang DAR para patuloy na suportahan ang hanay ng mga magsasaka.
Kasama ni Speaker Dy sina DAR Secretary Conrado Estrella III, Isabela Governor Rodito Albano III, LPGMA Partylist Representative Allan Ty, Ilagan City Mayor Jay Diaz, at iba pang opisyal mula sa iba’t ibang bahagi ng Region II.
Sa kanyang mensahe, nilinaw ni Dy ang mahalagang papel ng Kamara bilang katuwang ng DAR sa pagpapatupad ng mga programang direktang tumutulong sa mga agrarian reform beneficiaries.
“Bilang katuwang niyo, ang Kamara—ang kapulungan ng mga kinatawan ng buong bansang Pilipinas—makakaasa kayo, Secretary, na kami ay narito at patuloy na makikipag-ugnayan para patuloy nating suportahan ang inyong mga programa para matulungan at suportahan ang ating mga magsasaka sa buong bansang Pilipinas,” wika ni Dy.
Kabilang sa mga pangunahing aktibidad ng summit ang pamamahagi ng mga makinaryang pang-agrikultura at iba pang anyo ng suporta na naglalayong mapalakas ang produksyon at kabuhayan ng mga magsasaka sa rehiyon.
Binisita ni Dy ang mga booth na tampok ang iba’t ibang lokal na produkto mula sa mga probinsya ng Region II. Nakiisa rin siya sa isang “boodle fight” kasama ang mga kawani ng DAR at mga lokal na opisyal.
Hindi rin nagpahuli si Speaker Bojie Dy nang makisabay sa trending na “Hawak Mo Ang Beat” dance craze bilang simpleng paraan umano ng pagpapakita ng pasasalamat sa pamunuan ng DAR, bagay na lalong ikinatuwa ng dumalo sa event.
