SADYA nga yatang para lang sa mga maimpluwensya, sikat ay may pera ang hustisya sa ating bansa.
Patunay nito ang sinapit ng daang-libong pobreng Pinoy na patuloy na umaasa na mababawi pa nila ang salaping dineposito sa bangko ng isang oligarko.
Taong 2019 nang mabisto ng Philippine Deposit Insurance Corporation (PDIC) ang di umano’y iregularidad sa AMA Bank na pagmamay-ari ni Amable Aguiluz – isang negosyante sa likod ng AMA Education System, kumpanyang pasok sa enerhiya, water utility distribution, real estate, financial services at iba pang business ventures.
Ipinasara ng PDIC ang AMA Bank.
Ang masaklap, naipit ang salaping ipon ng mga pobreng Pilipino sa naturang bangko – mga gurong kakarampot ang sahod, mga vendors na pilit nag-iipon mula sa baryang kinikita sa pagtitinda sa bangketa, mga estudyante, mga maliliit na negosyo, at marami pang iba.
Nagkaroon ng kaso sa husgado. Sa haba ng litigasyon, umabot pa sa Korte Suprema ang kaso. Ang wagi sa asunto – AMA Bank, pero ang PDIC at BSP naghain ng motion for reconsideration.
Yan ang dahilan kung bakit hanggang ngayon, sarado ang bangko. Kaya ang mga pobreng depositors nganga kung kailan pa mababawi ang pinagkatiwalang bunga ng dugo’t pawis sa pagkayod sa trabaho.
Palaisipan para sa mga pobreng depositors ang dahilan sa mahabang panahon ng paghihintay sa resulta ng pagrerebisa sa argumentong laman ng motion for reconsideration ng PDIC at BSP.
Hindi ako abogado pero parang may kulang. Wala sa desisyon ng Korte Suprema ang mga katagang “FINAL AND EXECUTORY.”
Ang masaklap, hindi naman yata prayoridad ng Korte Suprema na pagpasyahan ang motion for consideration ng PDIC at BSP. Habang nakabinbin ang kaso, nganga ang mga depositors na nagdarasal at umaasang mababawi ang pinaghirapan deposito sa naturang bangko.
Panawagan ng mga depositors ng AMA Bank, gumitna ang Palasyo. Pero teka, paano gigitna ang Palasyo kung itinalaga sa pwesto ng Pangulo ang may-ari ng nagsarang bangko?
Ansakit sa ulo! Hindi kaya sadyang inaantala ang pagbubukas ng AMA Bank sa pag-asang diringgin ang wish nilang mangangamatay na lahat ng naghahabol sa bangko?
Tang-AMA nyo!
