WALA ‘tong kinalaman sa nag-viral kamakailan na nagpapatayo ng waiter ng dalawang oras dahil tinawag siyang “Sir” gayong babaing-babae siya sa suot niya. Di na ‘ko dadagdag pa sa batikos na inaabot nung mama, este, nung ale sa social media.
May kinalaman ‘to sa tawag sa akin ng dumaraming hukbo ng mga taong gusto lang namang ipaalala sa akin na tumatanda na ako.
Dati-rati kinikilabutan ako kapag natatawag na sir (o ser) dahil di bagay sa akin sa tingin ko. Kahit sa maraming taon kong pagtatrabaho bilang peryodista, di ako natatawag na ser. At di ko man lang naisip na entitled ako rito.
Sa opisina, o sa newsroom, first name basis ang tawagan. Walang nagse-ser dun, pagtatawanan ka. Kahit matanda, first name o nickname ang tawagan. Nariyan si Neal, si Jarius, si Dan, si Dave… ‘Yung mga reporter lang at mga correspondent ang may lakas ng loob na tawagin silang ser.
Ang tinatawag lang na ser ng mga editor nang harapan e yung publisher o mga may-ari ng dyaryo dahil sanay silang matawag na ser. Pero pagtalikod nila, pangalan na nila o initials o bansag (Bulate ang tawag namin sa among Arabo nung nasa Saudi pa ako) ang tawag.
Sa Saudi, first name rin ang tawagan ng magkakaopisina, ma-Pinoy o ma-Indiyano o ma-Arabo o ma-ibang lahi. Pero may bansag ang bawat Pinoy sa mga pribadong usapan. Nariyan si Kasmot, si Tusok, si Bukbok, si Manok, si Taruk, si Tembong (ako ‘yun).
‘Pag may tumatawag sa aking ser, sinasabi kong “Hernan na lang o kahit ‘hoy.’” Hindi ko tinitingnang kabawasan sa pagkatao ko ‘yun o kawalan ng paggalang o tanda ng tagumpay na kailangan kong ipagyabang.
Kaya laking gulat ko nung mapasok sa gobyerno. Ito yung tinatawag na culture shock sa Ingles. Sa gobyerno, mahalaga ang hierarchy. Importante at pinapahalagahan ng bawa’t isa ang posisyon sa trabaho.
‘Pag nakakataas sa iyo ng kahit konti, obligadong tawagin mo siyang ser o ma’m. Ganundin, kung mas malaki ang agwat ng edad sa iyo, ser o ma’m kung ayaw mong taasan ka ng kilay o di na kausapin habambuhay.
Masyadong balat-sibuyas din yung mga opisyal ng gobyerno. Bukod sa kailangan mo silang tawaging “honorable” kailangan mo ring palamutian ng mga “po” ang bawat salita mo. Doon ko natutunang maging maligoy sa pagsulat sa pormal na mga komunikasyon, bagay na pinagbabawal sa peryodismo.
Kinilabutan ako nung may nagsimulang tumawag sa akin ng ser doon, pero kalaunan natanggap ko nang hindi na ako kailanman magiging simpleng Hernan na lang. Laging ser na ako sa karamihan. At hindi na ito tanda ng mataas na posisyon kundi tanda na ng pagtanda.
Tanggap ko na ring kailangan kong mag-ser sa mga amo bagama’t nakakalimutan ko pa rin paminsan-minsan lalo na’t kung mas bata sa akin. Ni hindi sumagi sa isip ko noon na magkakaroon ako ng among mas bata sa akin. Pero ganyan talaga ang buhay.
