KUMBINSIDO si Gilas Pilipinas coach Tim Cone na angkop sa National Basketball Association (NBA) ang kalibre ni Justin Brownlee na tinanggihan ng naturang paliga may 12 taon na ang nakalipas.
Para kay Cone, isang biyaya sa Gilas Pilipinas ang pananabla ng NBA kay Brownlee na aniya’y nagpamalas ng katangi-langing husay sa ginaganap na 2024 Fédération Internationale de Basketball (FIBA) Olympic Qualifying Tournament.
Ayon kay Cone, hindi matatawaran ang kakayahan ni Brownlee na umiiskor ng 27 puntos kada laro sa pag-abante ng Gilas sa semifinal round ng 2024 FIBA Olympic Qualifying Tournament (OQT) sa Riga, Latvia.
Katunayan aniya, hindi lang sa pagbubuslo mahusay ang naturalized Filipino cager na nakapagtala ng 8.5 rebounds at 8.5 assists – bagay na aniya’y nagbigay-daan sa mga nasungkit na panalo sa nasabing international basketball league.
Umaasa rin ang premyadong coach na mas paghuhusayan pa ng 36-anyos na si Brownlee ang paglalaro lalo pa’t dalawang panalo na lang ang kailangan ng Gilas para ganap na makapasok ang koponan sa Paris Olympics.
“I’ve said this before: Somebody in the NBA missed out on this guy. They weren’t on the ball. They should have seen this guy. He never should have been in the Philippines. He should be in the NBA,” sambit ni Cone sa press conference matapos ilampaso ng Gilas Pilipinas ang Georgia.
Hindi rin aniya biro ang galing ng mga manlalaro ng Pilipinas makaraang daigin ang Latvia na itinuturing na isa sa pinakamalakas na team sa 2024 FIBA Olympic Qualifying Tournament.
“He is a big moment guy. He plays huge in big moments. And he has proven it over and over again. What he’s [been] doing in this tournament is no surprise to what we’ve seen throughout his career in the Philippines. He’s dominant there and he’s always engaged. When he’s aggressive, there’s just nobody better than him,” aniya pa.
Para naman kay Kai Sotto na kilala rin bilang isa sa mga pinakamahusay na basketbolista ng Pinas, maituturing na “Michael Jordan of the Philippines” si Brownlee.
