SAGANA lang sa ingay, wala naman saysay. Ganito ang paglalarawan ng mga kongresista kay former Covid-19 Task Force adviser Dr. Tony Leachon na anila’y nagpapanggap na bilang fiscal management advocate.
Sa isang pahayag, partikular na tinukoy ni Deputy Speaker at Iloilo Rep. Janette Garin ang motibo ni Leachon sa pagsasampa ng kaso laban kay Executive Secretary Ralph Recto.
Para kay Garin, malinaw na isang uri ng political attack ni Leachon sa tuwing may kontrobersiya nang hindi muna pinag-iisipan ang diskarte.
Sa kaso ng paglilipat ng P60-billion reserve funds ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa national treasury, tumalima lamang aniya si Recto at iba pang government officials sa basbas ng Kongreso, gayundin sa hindi nagamit na P107 billion pondo ng Philippine Deposit Insurance Corp. (PDIC) — alinsunod sa special provision ng 2024 General Appropriations Act.
“Leachon was attacking officials for carrying out a mechanism that was authorized by Congress itself,” wika ng Iloilo lady lawmaker.
“Delikado ang kaunting kaalaman kapag ginagamit para magkunwaring eksperto sa budget process,” patutsada naman ni Garin kay Leachon.
“Secretary Ralph Recto merely implemented what was clearly authorized under the General Appropriations Act. Kung talagang naniniwala si Dr. Leachon na ilegal ito, bakit hindi niya kasuhan ang buong Kongreso at Senado na nagpasa ng batas?”
Sakali naman umanong may tao or grupong nasa likod ng “health advocate,” pinakamainam aniya ituro na lang ni Leachon pagkakakilanlan ng “amo.”
Para naman kay Assistant Majority Leader at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, mas puntirya umano ni Leachon na gumawa ng kontrobersya kaysa talakayin ang usapin ng accountability o pananagutan ng mga opisyal ng pamahalaan.
“Parang pilit na pilit niyang ilihis ang usapan mula sa mga totoong isyu ng pananagutan. If accountability is truly his advocacy, then he should apply the same standard to everyone and not only when it fits a political narrative,” pahayag ni Alonto Adiong, na siya ring chairman ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms.
Tahasan namang inilarawan ni House Committee on Higher and Technical Education chair at TINGOG partylist Rep. Jude Acidre si Leachon isang taong “kulang sa kaalaman sa proseso pero sobra sa pag-iingay.”
“He keeps repeating that the funds were ‘unused,’ when that is precisely why they are called reserve funds. They are not meant to be spent recklessly or automatically exhausted,” paglilinaw ni Acidre.
“That is a gross distortion of how fiscal management works,” ani Acidre.
Sa panig ni Deputy Speaker Paolo Ortega V, inakusahan niya si Leachon na ginagamit ang isyu ng PhilHealth at PDIC para lamang isulong ang interes sa larangan ng politika.
“Naiintindihan naman natin na natalo noong nakaraang eleksyon ang kanyang anak at ilang kamag-anak. Pero huwag naman sanang gawing political weapon ang mga reklamong kulang sa basehan. Ang problema rito, pinagmumukhang public advocacy ang malinaw na pamumulitika,” mariing sabi ng La Union solon.
Iba naman ang isa pang hirit ni Garin, pag-atake aniya ni Leachon ay bahagi ng estratehiya para mapansin ng Pangulo. Pangarap umano ni maging Kalihim ng Department of Health (DOH).
“Bawat administrasyon, laging nagpapakitang-gilas si Dr. Leachon para mapansin bilang posibleng Secretary of Health. Alam naman niyang hindi siya kinokonsidera ng kasalukuyang search committee kaya mukhang napaaga lang ang kanyang pagpupwesto.”
