HINDI bababa sa 12 indibidwal ang nasawi habang sugatan naman ang 28 iba pa matapos magbanggaan ng limang sasakyan sa bahagi ng Tarlac City Toll Plaza sa Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX).
Ayon sa Philippine Red Cross -Tarlac Chapter, kabilang sa mga sasakyang sangkot sa insidente ang tatlong SUV, isang container truck, at isang pampasaherong bus.
Katuwang din sa rescue operation ang Tarlac Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) na nangasiwa sa “extrication” ng mga pasaherong naipit sa mga sasakyan.
Agad na isinugod sa Tarlac Provincial Hospital ang mga nasugatan, habang patuloy ang imbestigasyon sa sanhi ng insidente.
