Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
SA hangaring pataasin ang ani, kasabay ng pagtaas ng antas sa pamumuhay, 17 solar pumps ang handog ng pamahalaan sa mga magsasaka mula sa lalawigan ng Isabela.
Sa pangunguna ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kasama si House Speaker Martin Romualdez, isinagawa ang distribusyon ng mga mga makabagong kagamitan sa sakahan matapos pinasinayaan isang pang proyektong magsisilbing kaagapay sa hanapbuhay ng mga magsasaka sa naturang probinsya.
Kabilang rin sa dumalo sa inagurasyon si Isabela Governor Rodito Albano, mga opisyal ng National Irrigation Administration (NIA) at mula sa lokal na pamahalaan.
Sa isang pahayag, binigyang halaga ni Romualdez ang pagkakaroon ng sapat at maayos na irigasyon para matiyak na mabubuhay at magbubunga ang iba’t-ibang pananim tulad ng palay at mais na pangunahing produkto ng Isabela.
“We have to help our farmers with irrigation and other farm inputs like fertilizer and seeds so they can increase their produce. They should aim to double it,” wika ni Romualdez.
Ayon kay Romualdez, hindi na kailangan maghintay sa buhos ng ulan para matubigan ang mga sakahan sa tulong ng makabagong solar pumps na gagamitin para tiyakin ang tuloy-tuloy na irigasyon.
Kumbinsido rin ang lider ng Kamara na hindi malayong madoble ang ani ng mga magsasaka sa tulong ng mga solar pumps.
Para kay Romualdez, isang hakbang tungo sa katuparan ng pangakong sapat at abot-kayang pagkain ang pagbibigay ng angkop na imprastraktura sa sektor ng agrikultura.
“That would also ease rice and food inflation, resulting in lower prices for the staple and other agricultural products for the benefit of all Filipinos,” aniya pa.
Samantala, nangako naman ang pinuno ng Kamara na isusulong niya ang pagkakaroon ng karagdagang pondo para sa pamamahagi ng solar-powered irrigation pumps partikular sa tinatawag na ‘unirrigated farming communities’ sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.
“That’s the only way we can bring irrigation to these areas. This means that they can have at least two crops a year. That’s double their harvest if they plant their crop only during the rainy days, which is really the case in farming areas that do not have irrigation,” pagtatapos ng House Speaker.
