
DALAWANG pulis at isang miyembro ng traffic management group ang inaresto sa pangongotong umano sa iba’t ibang transport group sa Bacoor, Cavite, ayon sa Philippine National Police (PNP).
“Two police non-commissioned police officers, both assigned in Cavite, and their civilian accomplice were arrested,” sabi ni PNP chief Police General Benjamin Acorda Jr.
Ang mga suspect ay kumokolekta umano ng buwanang payola mula sa tricycle operators, drivers’ associations, at iba pang transport group.
Sinabi ni Acorda na umaabot sa P1.5 milyon kada buwan ang tinatanggap ng mga suspect at P170,00 naman sa bawat transport group.
“Protection money para hindi na sila mahuli for any violation,” ayon pa sa report.
Ayon sa nagreklamo, nagbibigay siya ng P130.000 sa mga suspect mula pa noong Pebrero.
Itinaas pa ng mga ito ang payola sa P170,000.
Nitong Martes, nagsagawa ng entrapment operation laban sa mga suspect ang kapulisan.
Ito ay matapos magbanta na ang grupo ng mga suspect na sasaktan ang mga hindi makapagbibigay ng pera sa kanila.
Kinilala naman ang mga naaresto na sina Police Senior Master Sergeant Joselito Bugay, Police Staff Sergeant Dave Gregor Bautista, at John Louie de Leon.
Nakatakas naman ang isa sa mga suspect na si Edralin Gawaran, umano’y pinuno ng Bacoor Traffic Management Department.
Pawang nakatalaga sa Bacoor City Police Station ang mga naaresto.
Sinibak na rin sa puwesto ang Bacoor Police Chief, ayon sa report.
“We are looking at the command responsibility, that’s why we are implementing a one strike policy,” sabi ni Acorda.
Inaalam pa kung may iba pang kasama ang mga suspect dahil sa laki ng kotong na nakukulimbat ng mga ito.