DALAWANG miyembro ng Philippine National Police (PNP) nalagay sa alanganin bunsod ng aksidenteng pagsabog ng explosive component na gagamitin sana sa pagsasanay ng mga police trainees sa larangan ng Post Blast Investigators Course.
Sa ulat ng lokal na himpilan ng pulisya sa bayan ng Libonan sa Bukidnon, lulan ng pick-up ang mga police trainees nang makarinig ng pagsabog sa gawing likuran ng sasakyan habang binabaybay ang kurbadong bahagi ng national highway.
Kwento ng mga police trainees, ang explosive component na sakay ng pick-up ay gagamitin sa practical exercise bilang paghahanda sa tawag ng saklolo sa sandaling gumalaw ang mga terorista.
Agad naman isugod sa pagamutan ang dalawang hindi pinangalanang police trainees habang patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng Regional Explosives and Canine Unit.
Paglilinaw ng PNP, aksidente at hindi terorismo ang naganap na pagsabog.
