HINDI na nagawang umuwi ng tatlong minero matapos tabunan ng magkahalong lupa at malalaking bato bunsod ng dalawang magkasunod ng lindol sa bayan ng Pantukan sa lalawigan ng Davao de Oro.
“Nasa mining site kasi sila tapos may gumuho na lupa, natamaan po sila ng malalaking bato po,” wika ni Anecito Aguilar Torrejos na tumatayong tagapagsalita ng pamahalaang panlalawigan.
Samantala, sinuspinde na rin ng lokal na pamahalaan ang lahat ng operasyon ng pagmimina sa Davao de Oro para bigyang-daan ang pagsasagawa ng assessment ng Mining and Geosciences Bureau at Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office.
Patuloy naman ang isinasagawang imbentaryo ng Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) sa bilang ng mga apektadong minero. Ikinakasa na rin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang tulong sa mga biktima at naulilang pamilya.
Sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Linggo, umabot na sa walo ang nasawi sa lindol. (EDWIN MORENO)
