APAT na katao ang binawian ng buhay matapos araruhin ng isang trak na kargado ng fertilizer ang mga sasakyan at kabahayan sa kahabaan ng Maharlika Highway sa Lucena City.
Bukod sa nasawi, patuloy pang inoobserbahan sa pagamutan ang isa sa 10 biktimang nagtamo ng pinsala.
Sa ulat ng lokal na himpilan ng pulisya, nawalan umano ng preno ang 10-wheeler truck habang binabaybay ang Maharlika Highway hanggang sa tuluyang salpukin ang isang tricycle at lima pang sasakyan sa naturang kalsada.
Nagtuloy-tuloy pa umano ang arangkada ng trak hanggang sa tuluyang bumangga sa hilera ng mga bahay. Sa lakas ng impact, nagiba ang mga pader at tuluyang gumuho ang dalawa sa mga nahagip na tahanan.
Kabilang sa mga namatay ang driver ng trak.
Siyam na kabataang nagdiriwang ng kaarawan sa terrace ng ikatlong bahay ang nagtamo naman ng mga minor na sugat matapos tumakbo palayo nang marinig ang malakas na kalabog. (EDWIN MORENO)
