BIGO man ang National Bureau of Investigation (NBI) madala sa Maynila ang kontrobersyal na Kingdom of Jesus Christ founder Pastor Apollo Quiboloy kaugnay ng mga kasong isinampa sa husgado, timbog naman ang tatlong kapwa akusado.
Bitbit ang warrant of arrest na inilabas ng Davao City Regional Trial Court, sakote sa pinagsanib na operasyon ng NBI at Davao Regional Police sina Kapitan Cresente Canada ng Barangay Tamayong, Paulene Canada at Sylvia Cemanes na kasama ni Quiboloy sa kasong Child Abuse at Sexual Molestation
Ayon kay Davao Regional Police Director Brigadier General Alden Delvo, inaresto ang tatlong kapwa akusado nii Quiboloy sa bisa ng mandamiento de arresto para sa kasong paglabag sa Republic Act 7610 (Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation,and Discrimination Act).
“Pumunta kami sa Kingdom of Jesus Christ kay Apollo Quiboloy dito sa airport at sinerve namin yung WOA [Warrant of Arrest], binigay namin sa administrator sa gusali or building na yun” ani Delvo.
Pag-amin ng opisyal, nakausap nila ang abogado ni Quiboloy para sa pagsuko at posibilidad ng paglalagak ng piyansa.
“Yung WOA ni Pastor Quiboloy under his name only has a P200,000 bail bond for other sexual abuse and then the rest na kasama rin naman si Pastor Quiboloy are 80,000 for other acts of child abuse under Section 10 of RA 7610.”
Paglilinaw ng opisyal, bagamat nangako ang abogado na kumbinsihin si Quiboloy na sumuko, tuloy pa rin ang manhunt sa KOJC founder na kilalang malapit na kaibigan ng pamilya Duterte sa Davao.
“Well of course just like any other WOA there will be a manhunt operation. He will be a fugitive, alam mo naman may WOA siya the authorities will exert effort in locating and arresting him.”
