ANIM katao – kabilang ang isang walong buwang gulang na sanggol ang binawian ng buhay matapos salpukin ng rumaragasang trak ang sinasakyang tricycle sa bayan ng Lopez, lalawigan ng Quezon.
Sa ulat ng lokal na pulisya, dakong alas 2:00 ng madaling araw nang mangyari ang insidente sa kahabaan ng Maharlika Highway kung saan tinumbok ng trak na may dalang isda ang tricycle na may sakay na anim na na tao.
Sa lakas ng pagkasalpok, humagis at agad na nagliyab ang tricycle na tumama naman sa isang bus.
“Dead on the spot yung apat, and yung isa po namatay sa ospital,” wika ni Lopez Municipal Police Station chief Lieutenant Colonel Dandy Aguilar.
Wala naman naitalang nasawi sa mga pasahero ng bus.
“Bali po nakahinto kami, traffic kasi eh. Tapos, may bigla na lang kumalabog sa sa likod. Tapos nakita ko yung tuktuk, nag-aapoy na. Tapos bumangga samin sa likod. Pagbangga sa amin sa likod, nagkalat na yung apoy,” sambit ni Jay Benosa na inspektor ng bus na nadawit sa karambola.
Itinanggi naman ng tricycle driver na si Julius Brin ang alegasyon ng overloading. Paliwanag niya, idinesenyo ang tinaguriang tuktuk para sa anim na pasahero.
“Yung pong fish dealer na bumangga sa tuktuk tricycle while nakahinto sila doon sa traffic doon sa may under construction na area doon sa may diversion. Travelling sila sa same direction approaching sa likod, nabangga ng fish dealer yung tuktuk tricycle,” wika naman ni Lt. Aguilar.
Nasa ilalim na ng kustodiya ng pulisya ang driver ng trak na bumangga sa tricycle.
