KUNG sa Luzon may tatlong rehiyon kung saan hindi rekomendado ang pagkain ng isda, sa Visayas at Mindanao naman bawal muna ang lahat ng uri ng shellfish bunsod ng nakamamatay na red tide.
Sa abiso ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), anim na lugar sa naturang bahagi ng bansa ang positibo sa paralytic shellfish poison na mas kilala sa tawag na toxic red tide.
Batay sa pagsusuri ng BFAR, hindi muna pwede kainin ang mga lamang dagat tulad ng tahong talaba at iba pang klase ng shellfish na mula sa Dumanquillas Bay ng Zamboanga Del Sur, baybayin ng San Benito sa Surigao Del Norte, baybayin ng Daram Island, Zumarraga Island, Cambatutay Bay sa Samar, Matarinao Bay sa Eastern Samar, at Cancabato Bay sa Leyte.
Sapul din ng nakamamatay na lason ang baybayin ng Tungawan sa Zamboanga Sibugay.
Gayunpaman, nilinaw ng kawanihan ng ligtas kainin ang isda, pusit, hipon, at alimasag sa kondisyong lilinisin maigi at wasto ang pagluluto.
