BINALIKAN ng mga operatiba ang bahay na di umano’y pag-aari ni dating presidential spokesperson Harry Roque, para samsamin ang mga high-tech gadgets na pinaniniwalaang ginamit ng dalawang nangungupahan Chinese nationals na una nang inaresto.
Kasama si Roque at ang dalawang Chinese nationals na sina Sun Liming at Wan Yun alias “Yun Wan,” pinasok ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa bisa ng isang warrant ang bahay sa Pinewoods Subdivision sa Barangay Poblacion, Tuba, Benguet.
Kumpiskado sa operasyon ang tatlong Apple iPad tablets, isang Kindle iPad tablet at dalawang Apple iMac desktop computers na hinihinalang naglalaman ng mga ilegal na transaksyon.
Ani Roque, kusang-loob niyang pinayagan ang mga awtoridad nitong Biyernes ng tanghali na kunin sa nasabing bahay ang umano’y mga “cyber tools” ng mga Chinese na sina Sun Liming at Wan Yun alias “Yun Wan” para sa itinakdang search and seizure operations ng nasabing araw.
Gayunpaman, nanindigan ang mga operatiba na hindi ang pahintulot ni Roque kundi ang warrant mula sa Tuba, Benguet Regional Trial Court Branch 62 ang nagbigay-daan para pasukin ng PAOCC ang naturang bahay.
