
DEAD on the spot ang anim katao habang sugatan naman ang 13 iba pa matapos magkarambola ang tatlong sasakyan sa bayan ng Datu Odin Sinsuat sa lalawigan ng Maguindanao.
Kinilala ang mga nasawi na si Unasan Kaul na nagmamaneho ng van at ang mga pasaherong sina Norhamin Baladek at Manaut Guialudin. Patay rin sina Kaidu Manalasal at Mamakong Salimbao na lulan naman ng Hi-Lux pickup truck. Binawian rin ng buhay si Bomber Gani na sakay ng minamanehong pick-up truck.
Kritikal naman sa pagamutan ang 13 na iba pa.
Sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas 4:30 ng hapon nang mangyari ang insidente sa hangganan ng Barangay Makir at Batangay Kurintem, sa naturang lokalidad.
Kwento ng ilang biktima, patungo sana ang Hi-Ace van sa Lanao del Sur para dumalo sa reunion, habang ang Hi-Lux papunta naman sa direksyon ng South Cotabato.
Sa pahayag ng mga saksi, mabilis na binabagtas ng pick-up truck ang highway nang salpikin ang van na nakahagip naman sa isang pedicab sa gilid ng kalsada.