HINDI nakalusot sa mga listong kawani ng Philippine National Police Aviation Security Group (PNP-ASG) ang anim na Chinese nationals sa tangkang pagpupuslit ng P441 milyong nakasiksik sa pitong maleta.
Sa ginanap na press briefing sa Camp Crame, kinumpirma ni Brig. Gen. Jean Fajardo na tumatayong tagapagsalita ng PNP, ang pagdakip sa siyam na dayuhan kabilang ang anim na Chinese nationals na umano’y nagtangkang magbitbit ng daan-daang milyong salapi sa Mactan-Cebu International Airport.
Kabilang din aniya sa mga inaresto ang isang Malaysian, isang Indonesian, dalawang Kazakhstan at dalawang Pinoy.
Sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas 9:00 ng gabi kamakalawa nang masabat ang pitong maletang dala ng mga suspek na di umano’y galing sa isang casino na nakabase sa naturang lalawigan.
Nabisto ang sandamakmak na salapi matapos dumaan sa Xray scanner ang pitong maleta. Nang suriin, tumambad ang P441 milyong cash, US$168,730 at HK$1,000.
Giit naman ng White Horse Casino, bahagi umano ng panalo ng establisyemento ang nasabat na pera sa paliparan.
Una nang nasangkot ang White Horse Casino sa Anson Que kidnap-slay matapos lumabas sa pagsisiyasat na dumaan sa naturang gaming company ang ransom na ibinayad ng mga kaanak ng biktima.
Kabilang rin sa sinisilip ng pulisya ang posibilidad na gamitin ang naturang pera sa nakatakdang halalan bukas, Mayo 12.
